Araw ng Kalayaan, ipinagdiwang sa Basilan


ISABELA CITY, Basilan, June 13 (PIA) –Ang mga iba’t-ibang kawani ng gobyerno at mga pribadong organisasyon sa lungsod ng Isabela de Basilan ay nagtipon upang ipagdiwang ang ika-isang daan at dalawampung anibersaryo ng kasarinlan ng Pilipinas.

 

Sinimulan ang seremonya sa pagtaas ng mga bandila ng kasaysayan—ang ebolusyon ng bandila ng Pilipinas—at pag-awit ng Lupang Hinirang sabay sa pag-angat ng bandila ng Pilipinas.

 

Nag-alay ng mga bulaklak ang ilang mga ahensya ng gobyerno at sektor sa lungsod.

 

Pinangunahan naman ng mga mag-aaral ng Begang Elementary School choir ang pagkanta ng “Bayan Ko” at naghatid ng mga mensahe ang ilang mga opisyal ng lungsod.

 

Sa mensahe ni Isabela City Mayor Al-Qaid Akbar na inihatid ng kanyang city administrator na si Engr. Edgardo C. Halasan, iginiit niya na ang pagdiriwang ng kasarinlan ay higit pa kaysa kalayaang natamo ng bayan sa mga banyagang mananakop. Ito ay ang patuloy na pakikipaglaban ng kasalukuyang panahon na makamit ang kalayaan ng taumbayan laban sa kahirapan, diskriminasyon, sakit, takot, kurapsyon at lalung-lalo na sa pagiging walang pakialam.

READ:  Cebuano News: Kagamhanan mipasugod sa sabut-sabut sa socialized housing sa Bohol

 

Aniya, ito ang hamon na kinakaharap ngayon ng mga taga-Basilan, kung haharapin ito o tatalikuran at magtago sa kabundukan.

 

Samantala, ang provincial government ng Basilan ay nagsagawa rin ng kanilang programa sa may Capitol para gunitain ang kasarinlan ng Pilipinas. (ALT/RVC/PIA9-Basilan)

Source: PIA Feed