Cebuano News: Pang-6 na Bantayog-Wika sa Filipinas: Binukidnon, pinarangalan ng KWF


MALAYBALAY CITY, Bukidnon, July 9 (PIA)—Pinasinayaan sa Provincial Freedom Park, Capitol Compound, lungsod ng Malaybalay, Bukidnon, Lunes ng hapon, 9 Hulyo 2018, ang wikang Binukid ng lalawigang Bukidnon na kinikilala bilang pang-anim na Bantayog-Wika sa Filipinas.

Pinasisinayaan ng Komisyon sa Wikang Filipino ang ikaanim na Bantayog-Wika sa Filipinas na ginanap sa Provincial Freedom Park, lungsod ng Malaybalay, lalawigan ng Bukidnon. Ayon sa panauhing pandangal na si ‘national artist’ Virgilio Almario, ang Bantayog-Wika na itinayo dito sa Bukidnon ay bilang pagpaparangal sa mga katutubong wika ng Filipinas. Aniya, nag-aalala ngayon ang ibang mga kababayan natin dahil hindi na gaanong ginagamit ang ating sariling wika, kaya nakakalimutan na–lalo na sa mga kabataan–ang mga katutubong wika ng Filipinas. (PIA/Bukidnon)

Ang Bantayog-Wika na likha ng tanyag na eskultor na si Luis “Junyee” E. Yee Jr., ay magkatuwang na inilantad sa madla nina Atty. Nestor Cajes—ang kinatawan ni Kgg. Jose Maria R. Zubiri, Gobernador ng lalawigan; Dr. Oscar B. Cabanelez, Pangulo ng Bukidnon State University (BukSU); Dr. Rodello D. Pepito, Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura; Binibining Joe-Ann Bayona mula sa Provincial Tourism Office; iba pang opisyal ng BukSU at pamahalaang panlalawigan ng Bukidnon at Pambansang Alagad ng Sining at Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino Virgilio S. Almario.

READ:  Six NegOr barangays vie for LTIA 2019 top ranks

Ang hubog-kawayang bantayog ay yari sa stainless steel at may taas na sampung talampakan.

Nakaukit sa katawan nito ang baybaying bersiyon ng “Pag-ibig sa Tinubuang Bayan” ni Andres Bonifacio. Lumiliwanag din ang teksto para sa mga nais bumisita sa kinatatayuan nito.

Mababasa ang mga impormasyon tungkol sa wikang Binukid sa marker na kapuwa mayroon sa wikang Binukid at Filipino.

Ang Bantayog-Wikang ito ay sadyang itinayo bilang pagpaparangal sa lahat ng mga katutubong wika ng Filipinas.

Inaasahan ang pagpapatayo ng iba’t ibang Bantayog- Wika sa Filipinas na mayroong humigit kumulang 130 katutubong wika at itinuturing na isang dakilang pamanang-bayan ng bansa.

Itinataguyod ito ng Tanggapan ni Senador Loren B. Legarda at Komisyon sa Wikang Filipino. (Komisyon sa Wikang Filipino/PIA Bukidnon)

Source: PIA Feed