Child development workers, binigyang pagkilala sa lungsod ng Batangas

LUNGSOD NG BATANGAS, Hulyo 11 (PIA)-  Binigyang pagkilala ng City Social Welfare and Development Office sa Gabi ng Parangal ang mga natatanging Child Development Workers sa Batangas City Convention Center kamakailan.

Tinanghal bilang pinakamahusay na Child Development Worker (CDW) 2018 si Marilou Barte ng SoroSoro Ibaba Child Development Center dahil sa ipinakita nitong dedikasyon at sipag sa trabaho at tagal sa serbisyo kung saan siya ay naglilingkod na ng 15 taon.

May temang “Sa Pagpapaunlad at Pagbabago ng Kabataan, Child Development Worker na may Malasakit ang Kailangan” layon ng aktibidad na kilalanin ang ginagampanang papel ng mga CDW bilang tagapagturo,tagapag-alaga at tagapaglinang ng mga kabataang may edad 0-4 na taon

Sa mensahe ni Mayor Beverley Rose Dimacuha na binasa ng kanyang kinatawan na si Eric Sanohan, hepe ng Local Economic Investment Promotion Center, sinabi niya na “ang gabing ito ay selebrasyon para sa ating mga child development workers, saludo ako sa inyong lahat, at dapat lang kayong ipagmalaki dahil hindi basta-basta ang inyong inakong responsibilidad. Nasasalamin sa inyo ang pagkakaroon ng kabutihang loob at tunay na dedikasyon sa pagbibigay ng kalinga sa mga batang nasa inyong pangangalaga.”

Umaasa rin ang Mayor na mahusay na magagabayan ng mga child development workers ang mga bata na magkaroon ng magandang asal at lumaking mabuting mamamayan.

Ilan sa mga naging criteria sa pagpili ay ang creativity/resourcefulness, punctuality, accomplishment and records, knowledge/skills/attitude as worker, at interpersonal relationship.

READ:  DTI empowers consumers through team monitoring

Napili namang Pinakamahusay na Child Development Center ang San Jose Sico CDC dahilan sa learning materials na ginagamit dito, kalinisan, kaayusan at pakikilahok ng mga magulang sa matagumpay na operasyon nito.

Pinakamahusay naman sa paggpapatupad ng programa ng ECCD o Early Childhood Care and Development si Lorena Rosales ng Tinga Itaas.

Binigyan din ng pagkilala ang 10 CDWs na nagsanay sa programa ng Early Childhood Care and Development ng National Council. Sila ay sina Gina Antes, Maria Bobadilla, Josefina Bueno, Marilou Barte, Ester Endaya, Jasmin De Castro, Gemma Frane, Felicita Maranan, Criselda Manansala at Morena Untiveros.

 Hinirang ang San Isidro CDC bilang pinakamahusay na Disaster- Friendly Child Development Center.

Anim na CDCs ang binigyan ng pagkilala sa pagpili sa Disaster- Friendly Child Development Center kung saan kabilang ang Mahabang Parang, Tinga Itaas, Pinamucan Proper, Bilogo, Banaba South at Barangay 24.

 Binigyan din ng pagkilala ang mga CDWs na naglingkod sa tanggapan ng 15-19 taon, 20-24 taon, 25-29 taon at 30 taon pataas.

Sa kasalukuyan, may 104 CDWs sa lungsod.

Samantala, pinagkalooban ng Batangas City Child Development Workers Association si City Social Welfare and Development Officer (CSWDO) Mila Española ng plake ng pagkilala dahil sa mahusay nitong pamamahala ng Early Childhood Care Development at paggabay sa mga child development workers. (Bhaby P. De Castro-PIA Batangas with reports from PIO BATANGAS CITY)

Source: PIA Feed