Dating illegal fishers na reef wardens na ngayon, pinarangalan ng DENR


LUNGSOD NG MASBATE (PIA) – Nagbunga ang pagsisikap ng isang grupo ng mangingisda sa lungsod na ito matapos na igawad sa kanila kamakailan ang Saringaya Award para sa Civil Society category mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Iginawad sa Samahan ng mga Mangingisda ng Puro Sinalikway, Inc. (Samapusi, Inc.) ang parangal bunga ng kanilang pagtalikod sa illegal na pamamaraan ng pangingisda at sa halip ay sila na ang nagsilbing tanod sa Bontod Reef na bantog sa napakalinis na tubig at buhangin nito.  

Nagsanib pwersa ang mga dating illegal fishers sa isang malakas at progresibong samahan ng “reef wardens” upang pangalagaan ang yamang-dagat na nasa paligid ng Bontod Reef at sa pamamagitan ng ecotourism ay unti-unting umangat ang kalidad ng kanilang buhay, pagpapahalaga sa sarili, respeto sa bawat isa at sa komunidad sa pangkalahatan.

Ang Saringaya Award ay espesyal at prestihiyosong parangal na iginagawad ng DENR sa mga indibidwal, civil society organizations, industriya, paaralan, at lokal na pamahalaan na nagsusumikap na pangalagaan ang kapaligiran at mga likas na yaman sa rehiyong Bikol.

READ:  SLPPO to open more roads for peace, prosperity

 

Tinanggap ang parangal nina SAMAPUSI President Jojo Soria, SAMAPUSI Vice President Rizaldo Radaza at Masbate City Agriculturist Tito Velza sa seremonya na ginanap sa Lungsod ng Legazpi. (PIA5/Masbate)

Source: PIA Feed