Deadline sa pagsumite ng film proposals para sa 'CineMarya' itinakda sa Hulyo 31


MANILA, Hunyo 14 (PIA) – Itinakda sa Hulyo 31, 2018 ang deadline para sa pagsumite ng film proposals para sa “CineMarya” ang kauna-unahang film festival para sa kababaihan sa Pilipinas.

Ang proyekto ay pinangungunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pakikipagtulungan ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) at Philippine Commission on Women (PCW).

Sa paliwanag ni DILG Assistant Secretary Marjorie N. Jalosjos, dapat nakasentro sa usapin ng pagpapalakas sa kakayahan ng kababaihan, iba’t ibang papel ng kababaihan sa lipunan, kamalayan sa mga isyung panlipunan ukol sa kababaihan at pagkakapantay-pantay at iba pang kahalintulad na usapin ng mga babae ang tema ng film proposals.

“Sa pamamagitan ng CineMarya, nais natin na dalhin sa mas malaki at malawak na entablado ang mga usapin patungkol sa kababaihan upang hikayatin ang mga lokal na pamahalaan na itaguyod ang karapatan, kapakanan at benepisyo ng mga kababaihan,” saad ni Jalosjos, na itinalaga ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano upang mangasiwa ng Gender and Development (GAD) advocacy ng DILG.

Sampu ang panukalang pelikula na pipiliin at bibigyan ng panimulang puhunan na P100,000 para sa produksyon ng 10 hanggang 20 minutong short film. Apat na project proposals mula sa Luzon, tatlo sa Visayas at tatlo sa Mindanao ang pipiliin ng selection committee sa pamamagitan ng ‘blind selection process.’

“Ang CineMarya ay bunsod ng pagnanais ng DILG na maisama sa pagpaplano, programa at proyekto ng mga lokal na pamahalaan ang GAD at ang Magna Carta for Women,” ani Jalosjos.

Sinabi pa nito na ang CineMarya na inisyatibo ng DILG ay isang mekanismong pang-edukasyon at makasining bilang suporta sa mga LGUs na nagnanais magawaran ng Seal of Good Local Governance (SGLG) ng DILG.

Ang SGLG ay progressive assessment system na taunang ibinibigay sa piling LGU na pasok sa batayan ng mabuting pamamahala kabilang na ang aspeto ng social protection ng kababaihan.

“Sa pamamagitan ng short films na tatalakay sa usapin ng kababaihan at GAD, mas makikita at maunawaan ng mga lokal na pamahalaan ang isyu nila,” aniya.

Maaaring tumawag sa tanggapan ng opisyal sa 876-3454 loc. 3701 para sa iba pang impormasyon.

READ:  PH, South Korea agree to boost broadcasting skills

Unang katuwang ng LGU

Ayon kay Jalosjos, ang Quezon City Government, sa pamamagitan ng tanggapan ni Vice Mayor Joy G. Belmonte, ay bahagi ng programa bilang partner ng CineMarya.

“Ang Quezon City Government ang unang lungsod na katuwang natin sa pagsusulong ng naturang makasining na adbokasiya sa GAD. Tayo ay nagpapasalamat sa kanilang suporta lalo na sila ay mapagkakatiwalaan at aktibong gender-sensitive local givernance,” paliwanag pa nito. 

Ang DILG ang chairman ng CineMarya Executive Committee (ExeCom) habang ang FDCP na pinamumunuan ni Mary Liza B. Dino-Seguerra ang siya namang vice chair.

Kabilang sa miyembro ng ExeCom ang PCW Commissioner Noreen B. Capili, Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Esther Margaux J. Uson, Quezon City Vice Mayor Ma. Josefina G. Belmonte, Local Lady Legislators’ League of the Philippines (4L) President Jo Kristine C. Revil, National Commission for Culture and the Arts (NCCA) Chairperson Virgilio S. Almario, Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson Maria Rachel J. Arenas, Film Academy of the Philippines Director General Leo G. Martinez, at Ginnie W. Oribiana ng Girl Scouts of the Philippines (GSP).

Incentive awards

Ang ExeCom ang magsisilbing panelists sa CineMarya na magkakaloob ng incentive award para sa mga finalist.

Kabilang dito ang Best Picture Award na gagawaran ng P20,000, tropeyo, at sertipiko; Josefa Llanes Escoda Award – P15,000, tropeyo, ar sertipiko; Jury Prize Award People’s Choice Award – P15,000, tropeyo, at sertipiko; Marya Award na may P10,000 premyo, tropeyo, at sertipiko; at People’s Choice Award na may premyong P10,000, tropeyo, at sertipiko. Maaari ding magbigay ng special awards ang ibang CineMarya partners.

Maaring magsumite ang mga interesadong film makers kanilang entries na may temang pakikipaglaban sa karahasan ng kababaihan, Mga Kababaihan ng Marawi at ang Rehabilitasyon ng Lungsod, at ang Magna Carta for Women sa pamamagitan ng http://fdcp.ph/cinemarya/submit-your-entry.

Ang mga aplikante ay dapat Filipino citizen o kaya naman ay nagtataglay ng Philippine passport at dapat ay 18 taong gulang. Bukas din ito maging sa wala pang karanasan sa paggawa ng mga feature films at dokumentaryong pelikula. (PIA-NCR)

 

Source: PIA Feed