Employees Compensation Advocacy Seminar, isinagawa ng DOLE sa Odiongan


 

Sinabi ni Dr. Raymond Banaga (nasa harapan), Medical Officer III ng Work Contingency Prevention & Rehabilitation Division ng ECC, na mapa-pribado man o pampubliko ang pinagtatrabahuan ng isang empleyado, ito ay makatatanggap pa rin ng kompensasyon kung sakaling may masamang mangyari sa kanila.(Larawan ni Paul Jaysent Fos/Romblon News Network)

ODIONGAN, Romblon, Nob 9 (PIA) — Pinaalalahanan ng Employee’s Compensation Commission (ECC) – Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga manggagawa sa lalawigan ng Romblon kaugnay sa mga benepisyo na pwedeng makuha o matanggap mula sa pamahalaan.

Sa Employees Compensation Program Advocacy Seminar na ginanap sa bayan ng Odiongan, sinabi ni Dr. Raymond Banaga, Medical Officer III ng Work Contingency Prevention & Rehabilitation Division ng ECC, na mapa-pribado man o pampubliko ang pinagtatrabahuan ng isang empleyado, ito ay makatatanggap pa rin ng kompensasyon kung sakaling maaksidente, magkasakit, o di kaya ay mamatay habang sila ay nasa trabaho.

Maaari aniyang makakuha ng kompensasyon ang isang empleyado mula sa SSS kung sakaling sa pribadong kompanya sila nagtatrabaho o di kaya ay isang sea-based OFW o kasambahay; sa GSIS naman pwedeng kumuha ng kompensasyon kung sakaling sa gobyerno sila nagtatrabaho kasama na ang mga tauhan ng AFP, PNP, BJMP at Coast Guard.

Ayon pa kay Banaga, ang coverage ng Employee’s Compensation Program ay magsisimula sa unang araw pa lang ng pagtatrabaho ang empleyado sa kaniyang employer o kumpanya.

READ:  DavNor Prov'l Board take steps to ensure media safety

 

Ilan sa mga benepisyo na makukuha ng empleyado sa ilalaim ng Employee’s Compensation Program ay ang loss of income benefit, medical benefits, rehabilitation services, career’s allowance at death benefits para sa kanilang mga beneficiaries.

Pinaalala rin ng ECC sa mga employers na dumalo sa katatapos na advocacy seminar na huwag kakalimutang magbayad ng contributions sa SSS o GSIS para hindi mahirapang makakuha ng kompensasyon ang kanilang mga empleyado.

Ayon sa pamunuan ng DOLE Romblon Field Office, maaaring lumapit sa kanilang tanggapan ang mga manggagawa na may karagdagang tanong kaugnay sa Employee’s Compensation Program.(PJF/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Source: PIA Feed