‘Job Fair’ sa Labor Day sa Palawan, kasado na


(Larawang kuha ni Leila B. Dagot/PIA-Palawan)

Isinagawa ang Press Conference na pinangunahan ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Palawan kasama ang mga katuwang na ahensiya ng gobyerno kaugnay sa idaraos na ‘Job Fair’ na gaganapin sa bayan ng Aborlan, kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day. (LBD/PIAMIMAROPA/Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Abril 29 (PIA) — Magsasagawa ng ‘Job Fair’ ang Department of Labor and Employment (DOLE) – Palawan kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day na idaraos sa Gymnasium ng Western Philippines University (WPU) sa bayan ng Aborlan.

Sa “Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA)”, kinumpirma ni Chief and Labor Employment Officer Luis Evangelista ng DOLE na 33 mga lokal na establisyemento ang lalahok sa gawain, habang apat na ahensiya naman ang magbubukas ng maraming trabaho sa ibang bansa.

Ang mga ito ay kinabibilangan ng mall, call center, bangko at mga manpower agency. Daan-daang bihasang manggagawa naman ang kakailanganin para sa iba’t ibang mga bansa sa larangan ng medikal, hotel, restoran at engineering.

Kaugnay nito, sinabi ni Evangelista na sa pagkakataong ito, mabibigyan ng trabaho ang mga nagtapos sa kolehhiyo sa mga unibersidad sa lalawigan, maging ang mga kumuha ng kursong teknikal.

Ayon kay Evangelista, bukod sa bubuksang mga trabaho, tampok din sa pagdiriwang ang ‘business career fair’ na pangungunahan ng Department of Trade and Industry (DTI) kaakibat ng Trabaho, Negosyo, at Kabuhayan (TNK) ng DOLE, kasunod ang ‘business forum’ para sa mga nagnanais na magbukas ng kanilang negosyo.

Samantala, maliban sa DTI, makakatuwang din ng DOLE sa pagkakaloob ng maraming serbisyo sa mga manggagawa at karaniwang mamamayan ang iba pang ahensiya ng gobyerno tulad ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Social Security System (SSS), Pag-IBIG Fund, Philippine Statistics Authority (PSA), ang kaakibat nitong Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Maglalagay din ng assistance desk ang kani-kaniyang ahensiya upang mabigyan ng serbisyo ang kanilang mga kliyente. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Source: PIA Feed

READ:  DAR awards land titles, farm equipment to 1,157 Cagayan farmers