Kagitingan ng mga beterano muling sinariwa sa pagdiriwang ng 2018 Araw ng Kalayaan


 MAYNILA, Hunyo 14, (PIA)– Isa ang Mausoleo delos Veteranos dela Revolucion sa North Cemetery, na matatagpuan sa Maynila, sa mga lugar kung saan idinaos ang selebrasyon ng ika-120 anibersaryo ng Proklamasyon ng Araw ng Kalayaan. Ito ay  bilang paggunita at pagkilala sa kabayanihan at kontribusyon ng mga beterano sa ating tinatamasang kalayaan.

Sa pagdiriwang, pinangunahan ni Philippine Veterans Affairs Administration (PVAO) Administrator Ernesto G. Carolina ang pagtaas ng bandila at pag-aalay ng bulaklak.

Sa kaniyang mensahe, mariing sinariwa ni Carolina ang mga pagpapakasakit at kabayanihan ng mga beterano para makamit ang kalayaan ng bansa mula sa pananakop ng mga dayuhan.

Nanawagan din siya sa mga kabataan na huwag ipagwalang bahala ang kalayaang tinatamasa sa ngayon, bagkus ay tumulong mapanatili ito, ipaglaban kung sakaling kailangan.

Sa panig naman ng Pangalawang Punong Lungsod ng Maynila, Marie Sheila “Honey” Lacuna-Pangan, sinabi nitong mahalagang ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan dahil ang kaligayahan ating tinatamasa maliit man o Malaki, ay hindi natin malalasap kung hindi  ito  buong giting na ipinaglaban ng ating mga yumaong beterano.

READ:  BFAR-Abra boosts food security

Sa kabila ng malakas na ulan, dinaluhan ang okasyon ng mga nabubuhay pang beterano kasama ang kani-kanilang pamilya. Naroon din ang mga boy scouts, mga kawani ng National Historical Commission of the Philippines at Manila City Hall.

Nagbigay kulay din sa okasyon ang mga miembro ng Philippine Air Force na naging katuwang  sa pag-alay ng bulaklak.

Ang Mausoleo delos Veteranos dela Revolucion ay ipinagawa para sa mga labi ng mga beterano  ayon sa disenyo ni Arkitekto Arkadio Arellano. Ito ay pinasinayaan noong Mayo 30, 1920 at ipinahayag na makasaysayang bantayog noong Abril 6, 1993. (PIA-NCR)

 

 

Source: PIA Feed