Kahit maulan, selebrasyon ng 'Kalayaan' sa Caloocan naging mainit


LUNGSOD CALOOCAN, Hunyo 13 (PIA) – Bagaman pabugso-bugso ang buhos ng ulan, naging mainit pa rin ang selebrasyon ng Araw ng Kalayaan sa lungsod nitong Martes.

Pinangunahan ni Metropolitan Manila Development Authority Chairman Danilo Lim ang paggunita sa ika-120 taong anibersaryo ng Proklamasyon ng Araw ng Kasarinlan  na ginanap sa Bantayog ni Gat. Andres Bonifacio sa Lungsod ng Caloocan.

 

Pinangunahan nina MMDA Chairman Danny Lim, Caloocan City Mayor Oca Malapitan, at ilang opisyal ang panunumpa sa Watawat ng Pilipinas.
Nanumpa sa Watawat ng Pilipinas sina MMDA Chairman Danny Lim, Caloocan City Mayor Oca Malapitan, at ilang opisyal matapos ang seremonya ng pagtataas ng watawat.

 

Pinangunahan ni Lim, kasama sina Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, Congressmen Dale Malapitan at Edgar Erice, National Historical Commission of the Philippines Executive Director Veronica Dado, at ilang mga opisyal ng lungsod ang pagtataas ng watawat at pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Bonifacio.

Kasabay ng seremonya ang pagpapalipad ng lobo at kalapati, pagpapaugong ng mga sirena, at pagwagayway ng watawat ng mga nagsidalo.

Ang seremonya sa Caloocan ay bahagi ng selebrasyon na ginanap sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang ipagdiwang an gang anibersaryo ng Aaraw ng Kalayaan.

Sa kanyang talumpati, binigyang-pugay ni Lim si Bonifacio, Jose Rizal, at iba pang mga bayani, kilala man o hindi, na nagbuwis ng kanilang buhay para makamit ang kalayaan ng bansa.

Bahagi rin ng mensahe ng opisyal ang pagbitiw nito ng mga panretorekang tanong na, “Marahil ang tanong sa atin ni Gat. Andres Bonifacio sa ngayon ay ganito: Nagbunga ba ang buhay na aming inialay? Karapat-dapat ba ang mga makabagong Pilipino sa lahat ng aming ginawa para sa kanila?”

READ:  NTFMC  closes small-scale mining operations in Itogon

Sa bahagi naman ni Malapitan, ibinida nito na ang Caloocan ay maituturing na Unang Kapitolyo ng Pilipinas sa ilalim ng Rebolusyon na pinangunahan noon ni Bonifacio.

 

Kung si Mayor Oca Malapitan ang tatanungin, Unang Kapitolyo raw ng Pilipinas ang Lungsod Caloocan.

 

“Narito tayo ngayon sa dambana ni Gat. Andres Bonifacio na siyang nagbuklod sa mga taga-Caloocan at sa buong sambayanan para mag-alsa laban sa mga Kastila. Siya ang namuno sa KKK bilang Supremo ng isang bansa na nais lumaya.  Sa makatuwid, narito tayo ngayon sa kauna-unahang Kapitolyo ng Republika ng Pilipinas kung saan kinilala ng buong bansa ang liderato ni Bonifacio bilang Supremo ng Rebolusyon,” ani Malapitan.

Aniya, ang makabagong himagsikan ngayon ay laban sa kahirapan, krimen at droga na sinosolusyunan naman daw ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng mga programa at proyekto ng kanyang administrasyon.

Nagsilbing honor guards ang mga kadete ng Philippine National Police Academy. Sila rin ang nagsagawa ng 21-gun salute at “Taps” o madamdaming pagtugtog ng instrumentong bugle, bilang bahagi ng pagpupugay sa mga bayaning namayapa.

 

Mga tumayong honor guards mula sa Philippine National Police Academy

 

Dumalo rin sa selebrasyon ang mga bagong halal na opisyal ng barangay, mga guro, reservists, at estudyante.

“Malasakit sa Kalayaan para sa mas Progresibong Kinabukasan,” ang nagging tema sa pagdiriwang ng 2018 Araw ng Kalayaan.(PIA-NCR)

Source: PIA Feed