Salat sa laya, ngunit hindi sa karunungan


 

Ang 12 PDL ng BJMP – Odiongan District Jail na nagtapos sa ilalim Alternative Learning System na masayang nagpakuha ng larawan kasama ang mga kawani ng BJMP na gumagabay sa kanila.(Larawan ng BJMP – Odiongan District Jail)

Labindalawang “person deprived of liberty” (PDL) sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) – Odiongan District Jail ang nagtapos sa kanilang pag-aaral sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education (DepEd).

Ipinagmalaki ni Jail Senior Inspector Irene D. Gaspar, jail warden ng BJMP-Odiongan na hindi hadlang ang rehas para sa 12 PDL para matapos ang kanilang pag-aaral.

“Nakakataba ng puso na makita aniyang masaya ang buong pamilya ng mga inmate na nagsipagtapos sa kanilang pag-aaral at maituturing nila na isa itong pinakamagandang alaala – ang makatapos sa high school sa kabila ng lahat ng kanilang pinagdadaanan sa buhay,” ani Gaspar .

Dagdag pa ni Gaspar na karamihan din sa mga ito ay kanilang nahimok na ipagpapatuloy ang pag-aaral para sa oras na makalaya sila ay magagamit nila ang kanilang diploma upang kapapagpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo o technical vocational course.

Sa pamamagitan din aniya nito ay naipakita nilang kahit nasa loob ng bilangguan ay maaari pa ring isabuhay ang kalayaan sa pamamagitan ng pag-aaral.

READ:  Tagalog news: Marina hangad na mawala ang operasyon ng bangkang ‘colorum’ sa Palawan

Ang ALS ay isang programa ng DepEd na may layuning matulungan na makapagpatuloy ng kanilang pag-aaral ang mga out-of-school youths kasama na ang mga PDL upang makakuha ang mga ito ng elementary o high school diploma.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamunuan ng BJMP Odiongan District Jail sa walang sawang pagsuporta ng lokal na pamahalaan ng Odiongan at iba pang ahensiya sa mga PDL upang maabot ang kanilang mithiin habang nasa kanilang pangangalaga.

Ang 2019 ALS Graduation Ceremony na may temang “Pagkakaisa sa Pagkakaiba-iba: Kalidad na Edukasyon para sa Lahat” ay ginanap noong ika-4 ng Hulyo sa covered court ng Odiongan National High School kung saan naging panauhing pandangal si Vice Mayor Diven Dimaala.

Kabilang rin sa mga dumalo sa naturang okasyon sina Schools Division Superintendent Roger Capa, Mayor Trina Alejandra Firmalo-Fabic, SB Member Michael Arevalo, ALS Mobile Teachers at mga magulang ng nagsipagtapos sa ALS. 

Source: PIA Feed