Signal #1 nakataas na sa Cagayan; PDRRMO handa na kay 'Ompong'

LUNGSOD TUGUEGARAO, Cagayan, Setyembre 13 (PIA) – Nakataas na ang Signal # 1 sa probinsiya ng Cagayan ngayong Huwebes dahil sa banta ng bagyong Ompong.

Dahil dito, siniguro ni Ret. S/Supt. Pedro Danguilan, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na nakadeploy at alerto na ang lahat ng teams at responders gaya ng Task Force Lingkod Cagayan (TFLC) sa buong lalawigan.

Ayon kay  Danguilan, personal na pinangungunahan ni Gobernador Manuel Mamba ang paghahanda kay Ompong.

Bagamat binibigyan ng atensiyon ang lahat ng mga bayan dito sa probinsiya, sinabi ni Danguilan na mas tinututukan ng PDRRMO ang paghahanda sa Isla ng Calayan, Santa Ana, at iba pang coastal municipalities.

Ayon kay Danguilan na sisimulan ngayong araw ang pre-emptive evacuation sa mga nabanggit na lugar. “Kung bukas pa gagawin ito, mahihirapan na ang mga awtoridad,” dagdag ni Danguilan.

Handa na rin ang mga relief good sa Sanchez Mira at Lal-lo substations upang mas mapadali ang pagbibigay ng tulong sa mga mangangailangan sa norteng bahagi ng probinsiya samantalang ang provincial fleet at equipment ay nakatoka na rin sa motorpool sa mga bayan ng Pamplona, Baggao, at Gonzaga.

READ:  SAP Bong Go visits AgSur

Sa panig naman ng Office of the Provincial Agriculture (OPA), Lunes pa lang ay pinayuhan na ni Dr. Pearlita Mabasa ang mga magsasaka na anihin ang pananim na maari nang pakinabangan upang hindi masayang.

Magsisilbi namang responders command center ang Bangag Subcapitol sa bayan ng Lal-lo.

Hangad ng Pamahalaang Panlalawigan ang zero casualty sa buong Cagayan kaya’t pinayuhan ni Mamba ang publiko na pag ibayuhin ang paghahanda at pag iingat.

Nasa ilalim na rin ng Signal no. 1 ang mga probinsiya ng Isabela at Nueva Vizcaya. (PIA-2/With reports from Gerard Josef Lucena and Eugene Tolosa of the Cagayan Provincial Information Office)
 

Source: PIA Feed