Tagalog News: 10th Palawan Provincial Cooperative Convention, pinaghahandaan na


Pinangunahan ni Mr. Romeo Valdez ang pagpapupulong ng Palawan Provincial Cooperative Development Council (PCDC), bilang Chairman upang talakayin ang paghahanda sa gaganaping 10th Palawan Provincial Cooperative Convention. (File Photo ni Orlan C. Jabagat)
Pinangunahan ni Romeo Valdez (naka-asul na shirt sa gitna) ang pagpapupulong ng Palawan Provincial Cooperative Development Council (PCDC), bilang Chairman upang talakayin ang paghahanda sa gaganaping 10th Palawan Provincial Cooperative Convention. (File Photo ni Orlan C. Jabagat)

 

PUERTO PRINCESA, Palawan, Setyembre 28 (PIA) — Pinaghahandaan na ng Provincial Cooperative Development Council (PCDC) at ng Provincial Cooperative Development Office (PCDO) ang isasagawang 10th Provincial Cooperative Convention sa Oktubre.

Sa pagpupulong kamakailan, inilahad ng PCDC ang mga aktibidad na magaganap sa nasabing kumbensiyon. Inaasahang dadaluhan ito ng mahigit 100 mga opisyal at miyembro ng iba’t-ibang kooperatiba sa lalawigan.

Inimbitahan ng konseho si Regional Director Salvador Valeroso ng Cooperative Development Authority (CDA) upang ibahagi ang direksyon ng sektor ng kooperatiba sa bansa batay sa Philippine Development Plan of Inclusive Growth.

Kasama ring naimbitahan si Congressman Rico B. Geron, chairman ng Committee on Cooperatives sa House of Representatives upang maibahagi sa mga miyembro ng kooperatiba ang suporta ng pamahalaan pagdating sa mga programa at oportunidad sa mga kooperatiba sa lalawigan.

Ilan pa sa mga paksang tatalakayin sa nasabing kumbensiyon ang tungkol sa napapanahon at mahahalagang paksa na makakatulong sa pagpapalago ng kooperatiba tulad ng Digital Transformation, Financial Literacy – finance and investment strategies, Significant Impact and Challenges in Establishing Eskwela Kooperatiba/Laboratory Cooperatives at Business Model Canvass.

READ:  Regional agriculture achievers lauded for outstanding performance

Ayon kay PCDO Victoria Ladica, malaki ang naitutulong ng ganitong gawain sa mga kooperatiba sa Palawan upang ma-update ang mga ito sa makabagong teknolohiya at mga programa para sa ikauunlad ng bawat kooperatiba.

Isasagawa ang Provincial Cooperative Convention sa Oktubre 24-25 na may temang “Kooperatiba: Sa diwa ng pagkakaisa ay daan tungo sa tunay na pagbabago at kaunlaran ng pamayanan” sa The Legend Hotel, lungsod ng Puerto Princesa. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Source: PIA Feed