Tagalog news: 175 mag-aaral ng Cabangaan Elem. School, nabiyayaan ng school supplies


 

Ilan lamang sila sa 175 mga mag-aaral ng Cabangaan Elementary School sa Bgy. Samariniana, Brooke’s Point, Palawan na nabiyayaan ng school supplies at bag mula sa Brooke’s Point Government Employees Multi-purpose Cooperative. (Photo by BP MIO Rebecca M. Gadayan)

 

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hulyo 13 (PIA) — Isa-isang tinanggap ng nasa 175 mag-aaral ng Cabangaan Elementary School sa Bgy. Samariniana, Brooke’s Point, Palawan ang school supplies tulad ng papel, lapis, notebook, krayola at school bag na handog ng Brooke’s Point Government Employees Multi-purpose Cooperative  (BPGEMC) ngayong araw.

 

Ang nasabing bilang ng mga mag-aaral ay kabuuhang populasyon na ng nasabing paaralan mula Kinder hanggang Grade 6 na karamihan sa mga ito ay Katutubo.

 

Ayon kay Rebecca M. Gadayan, isa sa mga miyembro ng kooperatiba at kasalukuyang tumatayong Information Officer ng pamahalaang bayan ng Brooke’s Point na isa sa kanilang regular na aktibidad ang magsagawa ng gift giving sa ilalim ng social development program ng kanilang kooperatiba.

 

Aniya, taun-taon nilang itong ginagawa sa kanilang mapipiling benepisyaryo tulad ng mga paaralan o kaya ay opsital.

 

 Isa aniya ang Cabangaan Elementary School na kinonsidera ng kanilang kooperatiba para sa proyektong ito dahil isa ang nasabing paaralan sa mga paaralang nasa liblib na lugar ng bayan ng Brooke’s Point.

READ:  Davao Agri Trade Expo targets millenials

 

Kasabay ng pamamahagi ng school supplies ay nagsagawa rin ng feeding ang BPGEMC sa mga mag-aaral ng nabanggit na paaralan.

 

Ang pamamahagi ng munting handog na ito ng BPGEMC ay pinangunahan ni Board of Director Chairperson at Municipal Civil Registrar Salve Corazon T. Villaruel, katuwang ang mga Board Members nito na sina Sotero Malong, Danilo Esmerio, Luz Galicia, Lucila Domingo, Arlene Piramide, Gemmaluz Soriano at iba pang miyembro ng kooperatiba. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Source: PIA Feed