Tagalog News: 1M ayuda para sa Batanes, inihahanda na ng Palawan LGU


Team Palawan na tutulong sa Batanes
Ang Team Palawan mula sa PDRRMO na pinangungunahan ni PDRRM Officer Jeremias Y. Alili kasama ang ilang bihasang rescuers ay ipinadala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa Batanes kamakailan upang tumulong sa mga naapektuhan ng lindol doon. Personal ding ipinagamit ng gobernador ng Palawan ang kanyang sariling eroplano sa paghahatid ng mga food packs at non-food items sa mga lugar sa Batanes na hindi kayang abutin ng malalaking sasakyang panghimpapawid. (Larawan mula kay PDRRMO Officer Jeremias Y. Alili)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hulyo 31 (PIA) — Inaprubahan sa ika-limang regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan nitong Martes, Hulyo 30, 2019 ang resolusyon na nagbibigay kapangyarihan kay Palawan Governor Jose Chavez Alvarez upang magkapagbigay ng tulong pinansiyal sa Lalawigan ng Batanes na malubhang sinalanta ng lindol kamakailan.

Nagkakahalaga ng P1 milyon ang ibibigay na tulong pinansiyal sa Lalawigan ng Batanes na magmumula sa mismong tanggapan ng gobernador.

Maliban sa tulong pinansiyal ay nagpadala din ng grupo ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan upang tumulong sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol.

Ang grupong nabanggit ay mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na pinapangunahan ni PDRRM Officer Jeremias Y. Alili kasama ang mga bihasang rescuer na sina Joey Heredero, Allen Vincent Abiog at Jupiter Almoroto.

Lulan ng eroplanong pagmamay-ari ni Gob. Alvarez, ang Team Palawan ay lumipad noong araw ng Hulyo 28 upang mapabilis ang pagbibigay ng tulong sa mga apektado ng lindol sa Batanes.

READ:  Bohol hosts RADIO7CON in heritage, farm tourism info

Ang Team Palawan ay tumulong sa paghahatid ng mga food packs at non-food items sa mga lugar sa Batanes na hindi kayang abutin ng

malalaking sasakyang panghimpapawid, gayundin ang pagsakay ng mga indibidwal o mga nasugatan upang madaling madala sa pinakamalapit na pagamutan gamit ang eroplano ni Gob. Alvarez. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Source: PIA Feed