Tagalog News: 21 kabataan mula sa Bahay Pag-Asa sa Palawan, nakapagtapos sa ASL


Mga CICL na nagtapos sa ALS
Ang pagtatapos sa Alternative Learning System (ALS) Program kamakailan ng mga Children in Conflict with the Law (CICL) mula sa Bahay Pag-Asa Youth Center ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan. (Larawan mula sa Palawan Provincial Information Office)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hulyo 26 (PIA) — Nagtapos sa kanilang pag-aaral ng elementarya at sekondarya kamakailan ang 21 kabataan na sumasailalim sa repormasyon sa loob ng Bahay Pag-Asa Youth Center na pinamamahalaan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Ang pag-aaral ng mga kabataang ito ay sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) Program na ipinatutupad ng Department of Education (DepEd).

Ayon kay Vobbin Jay Carias, Social Welfare Officer III ng PSWDO at tumatayong Center Head ng BPYC, sa 21 kabataang ito, walo dito ang nagtapos sa elementarya kung saan isa sa mga ito ang pumasok sa Top 5.

Labingtatlo naman ang nagtapos sa sekondarya at isa sa mga ito ang nabigyan ng special award.

Ang mga ito ay isinabay sa mahigit 400 kabataang nagsipagtapos sa ALS Program sa Lungsod ng Puerto Princesa nito lamang buwan ng Hulyo na isinagawa sa San Miguel National High School.

Sinabi pa ni Carias na ‘special case’ ang pag-aaral ng mga kabataang nasa BPYC dahil personal itong pinupuntahan ng guro mula sa DepEd tatlong beses sa isang linggo. Ito ay tuwing mga araw ng Lunes, Martes at Miyerkules lamang. Tatlong oras sa bawat araw ang inilaang oras ng pagtuturo sa mga ito.

READ:  Zambo Sur governor-elect values honest service, love, care for people

Dagdag pa ni Carias na habang sumasailalim sa paglilitis ang kaso ng mga kabataang ito ay hindi naman inaalis sa kanila ang kanilang karapatang mabigyan ng tamang edukasyon.

Ang Bahay Pag-Asa na isang bahay kanlungan para sa mga kabataang Palawenyo na nagkasala sa batas ay naitayo noong taong 2012.

Pangunahing layunin ng pasilidad na ito na matulungan ang mga kabataan na tinaguriang Children In Conflict with the Law (CICL) upang mabigyan ng wastong direksyon sa buhay habang nililitis ang kanilang mga kaso. Ito ay alinsunod sa implementasyon ng Batas Republika 9344 o ang Juvenile Justice Welfare Act of 2006.

Sa kasalukuyan ay mayroong 24 na residente ang nasa pangangalaga ng BPYC at inaasahan ng PSWDO na walong kabataan ang makalalabas sa pasilidad na ito bago matapos ang taong 2019. (OCJ/PIA-Mimaropa. Palawan)

Source: PIA Feed