Tagalog News: 232.36 ektarya ng niyogan, sinalanta ng 'cocolisap' sa Tablas island


ODIONGAN, Romblon, Setyembre 28 (PIA) — Nasa 232.36 ektarya na ng niyogan ang sinalanta ng coconut scale insect o cocolisap sa hilagang bahagi ng Tablas island ayon sa Philippine Coconut Authority (PCA)-Romblon.

Sa ginanap na Kapihan ng PIA, sinabi ni Antipas C. Naorbe ng PCA na umabot na sa 38,860 na punong niyog ang apektado o sinalanta ng cocolisap sa mga barangay ng Carmen, San Agustin at Pangulo, Calatrava at hindi pa kasama rito ang mga karatig na barangay ng nabanggit lugar kung saan ay may sightings na rin ng cocolisap.

Ayon pa kay Naorbe, dumulog sa kanya ang mga coconut farmers sa Barangay Carmen na nagsasabing kalat na ang cocolisap sa kanilang barangay at bilang patunay nito ay nagdala ng mga samples ng dahon ng niyog ang magsasaka na dumalo sa pagpupulong na inorganisa ng PCA.

Ayon naman kay Protacio G. Rubia, officer-in-charge ng PCA-Romblon, nagdeklara na ng state of calamity ang Brgy. Pangulo sa bayan ng Calatrava at Bgy. Carmen sa bayan ng San Agustin dahil nga sa pinsalang iniwan ng cocolisap sa mga naturang barangay at nasa 59 magsasaka na ang apektado nito.

“Mabilis kumalat ang cocolisap, dahil base sa aming monitoring, nasa 400 meters kada buwan ang kaya niyang pinsalain…bilyones ang bilang ng cocolisap yan,” pahayag ni Rubia.

READ:  ARMM opens villages’ expo

Patuloy naman aniyang nakikipag-usap ang PCA sa mga may-ari ng mga lupa na may mga punong apektado ng cocolisap para magsagawa ng leaf pruning upang maiwasan ang mabilis na pagkalat ng mga insekto.

Noong nakaraang buwan (Agosto) ay nagpadala na rin umano sila ng sulat sa Romblon Provincial Government para humingi ng assistance upang tulungan sila sa pagsasagawa ng leaf pruning at pagputol ng ilang mga puno ngunit hanggang ngayon ay nag-aantay pa rin sila ng tugon sa kanilang kahilingan mula sa pamhalaang panlalawigan.

Pahirap din para sa mga tauhan ng PCA gayundin sa mga may-ari ng lupa ang pagsasagawa ng leaf pruning sa mga apektadong barangay na bahagi ng Salingsing Road dahil masyadong matarik ang mga bangin dito.

Aminado naman ang Philippine Coconut Authority (PCA) na posibleng kumalat pa ang cocolisap sa iba pang barangay lalo na pag dumating ang panahon ng tag-init.

Nais ni Rubia na muling buhayin ang Provincial Coconut Development Council sa Romblon upang makatuwang ito sa mga isinusulong na programa para sa mga magsasaka ng niyog sa lalawigan.

Makatutulong rin aniya ang nasabing konseho sa pagbuo ng plano kung paano mag-isip ng solusyon at matugunan ang hinaing ng magniniyog kapag may kalamidad o may mapaminsalang peste sa kanilang pananim.(PJF/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

 

Ayon kay Protacio G. Rubia (nasa gitna) officer-in-charge ng PCA-Romblon, mabilis kumalat ang cocolisap dahil batay sa kanilang monitoring ay 400 meters kada buwan ang kaya niyang pinsalain. (Larawan ni Dinnes Manzo/PIA-Romblon)

 

Source: PIA Feed