Tagalog News: 368 manggagawa sa Clark, tumanggap ng 2.2M monetary claims


 

Mabilis na natanggap ng isang grupo ng construction workers ang kanilang sahod matapos itong malutas ng Department of Labor and Employment sa pamamagitan ng Single Entry Approach program. (DOLE Region 3)

 

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga, Setyembre 26 (PIA) — May 368 construction workers mula sa Clark Freeport ang nakatanggap ng kabuuang P2.2 milyong pisong monetary claims mula sa kanilang kumpanya sa pamamagitan ng Single Entry Approach o SEnA ng Department of Labor and Employment o DOLE.
 
Ayon kay DOLE Regional Director Zenaida Angara-Campita, nagsumite ang mga manggagawa ng Request for Assistance sa kanilang Clark Satellite Office at pagkatapos lamang ng apat na oras na kumperensya ay nagkaroon na ng settlement para sa mga  hindi pa nababayarang sahod.
 
Nagpapasalamat aniya ang DOLE sa pagiging bukas ng dalawang partido upang mapayapang maisaayos ang kanilang usapin sa pamamagitan ng SEnA.
 
Dagdag pa ni Angara-Campita na sa pamamagitan ng kanilang interbensyon ay naiwasan ang malaking gastos na kaakibat ng paglilitis kung mauuwi pa ito sa kaso sa korte. 
 
Ang SEnA ay isang social mediation reform program ng DOLE na nakatuon sa mabilis at murang paraan sa paghawak ng mga alitan sa trabaho. (CLJD/MJLS-PIA 3)

READ:  DOLE releases paychecks for SPES beneficiaries in NV

Source: PIA Feed