Tagalog News: 40 units ng E-Trike mula sa DOE nasa Odiongan na


Ang mga E-Trikes ng DOE na ipinamahagi sa mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) sa bayan ng Odiongan. (Larawan ni Christopher Forlales/LGU-Odiongan)

ODIONGAN, Romblon, Mayo 29 (PIA) — Dumating na sa bayan ng Odiongan noong nakaraang linggo ang 40 units ng electric tricycle (E-Trike) mula sa Department of Energy (DOE).

Ito ay pinondohan ng Asian Development Bank (ADB) sa ilalim ng proyektong Energy Efficient Electric Vehicles (E-Trike).

Bago ipinamahagi ang mga nasabing behikulo ay sinanay muna ng BMAC Electric Transportation Philippines Inc. ang mga teknikal na kawani para sa E-Trike na inirekomenda ng lokal na pamahalaan.

Ang turnover ceremony ng mga E-Trikes ay pinangunahan nina Mayor Trina Firmalo-Fabic at Fernando Jose Hainto, inspection and property transfer officer ng DOE na nagsilbing kinatawan ni Kalihim Alfonso Cusi sa naturang okasyon.

“Ito ay isang pisikal na testamento ng DOE upang maipakita ang pagsisikap ng pamahalaan na makatulong sa mamamayan at maisulong ang mga inisyatibong kagaya ng green, eco-friendly at viable mode na uri ng transportasyon sa sektor ng mga magta-tricycle,” pahayag ni Hainto.

Hindi aniya madaling maka-avail ng ganitong proyekto sapagkat maraming rekisitos na kailangan isumite sa DOE bago ito maaprubahan upang maging benepisyaryo ng programa ang isang LGU.

READ:  DAR launches water sanitation project in Polanco

“Talagang napakahirap, maraming dinaanan ang LGU, pabalik-balik ang LGU sa documentation para matapos lang ang lahat, pero nakikita na po ninyo ang paghihirap ng lahat,” paliwanag pa niya.

Sa maikling talumpati ni Mayor Trina Firmalo-Fabic, kanyang pinasalamatan ang DOE sa pagkakapili ng bayan ng Odiongan bilang isa sa mga nakatanggap ng nasabing proyekto.

Kaniya ring hinimok ang mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) na magiging recipient ng E-Trikes na pangalagaan nila itong mabuti upang may mapagkuhanan ng pang-araw araw na kita at maipamasada sa mahabang panahon.

Ang mga E-Trikes aniya ay magiging pag-aari na ito ng isang benepisyaryo kapag natapos na niyang nabayaran ito sa loob ng tatlong taon.

Hinikayat din ng alkalde ang mga mamamayan ng Odiongan na tangkilikin ang mga bumibiyaheng E-Trikes upang makatulong ang bawat isa sa pangangalaga ng kalikasan dahil ang mga ito ay hindi maingay at hindi rin nagbubuga ng maruming usok.  (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Source: PIA Feed