Tagalog News: 4th Regional Organic Congress, isinagawa sa lalawigan ng Batangas

LUNGSOD NG BATANGAS, Oktubre 12 (PIA)- Matagumpay na isinagawa kamakailan ang 4th Regional Organic Congress sa Provincial Auditorium dito sa lungsod.

May tema itong “Organic Agriculture Advancing the Local Food Culture Movement in the Philippines” at dinaluhan ng mahigit sa 600 katao mula sa iba’t-ibang lalawigan sa Calabarzon.

Ayon kay Arnel De Mesa, Regional Executive Director ng Department of Agriculture (DA) Calabarzon, ang patuloy na pagtatanim ng halaman sa pamamaraang organiko ay isa sa magbibigay ng hanapbuhay sa mga magsasaka at magbibigay lunas sa problemang pangkalusugan at malnutrisyon na kinahaharap ng bansa.

“Mali po ang kaalaman na ang organikong pamamaraan ay para lamang sa mayayaman dahil ang presyo po ng mga produktong mula dito ay mas mahal kaysa regular na pamamaraan ng pagtatanim. Mahigit 48% sa limang porsiyentong target na itinakda ng batas o may kabuoang 11,200 ektarya o 10,720 magsasaka o 336 na samahan ng magsasaka ang nagsasagawa ng organikong pamamaraan ng agrikultura,” ani De Mesa.

Maituturing na ang Calabarzon ay isa ngayong modelo sa organic farming lalo na at unti-unting nakikilala ang karamihan sa mga farms dito na nagsasagawa ng organikong pamamaraan tulad ng Costales Farms sa Laguna.

READ:  Tagalog News: 604 pamilya sa Mangsee, Balabac na naapektuhan ng bagyong Vinta, natulungan

Isinagawa rin ang paggawad ng pagkilala sa mga natatanging indibidwal, samahan, munisipalidad at lalawigan na mainam na halimbawa sa pagsasanay ng organikong agrikultura.

Ang mga sumusunod ang ginawaran ng pagkilala: Outstandiing Small Farmer-Individual- Alicia Valdoria mula sa Quezon; Outstanding Regional Organic Agriculture Farming Family – Cabriga family from Tayabas Quezon; Outstanding Farming Group – Sto. Tomas Organic Practitioners Association; Outstanding Agricultural Extension Worker – Melanie Cortez ng Sto. Tomas, Batangas; Outstanding Municipal Focal Person – Ofelia Malabanan mula sa Sto. Tomas, Batangas; Outstanding Municipality- Sto. Tomas Batangas; Outstanding Provincial Focal Person- Marlon Tobias mula sa lalawigan ng Laguna; Outstanding Province-Province of Laguna; Hall of Famer-Municipality of Kalayaan; Outstanding Rural Women of the Year-Ms. Chona Bandola mula sa Quezon.

Ang lahat ng awardees ay tumanggap ng plake at cash prize upang patuloy na maisulong ang paggamit ng organikong pamamaraan ng agrikultura at mas mapalaganap pa ito. (BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS)

Source: PIA Feed