Tagalog News: 50,000 punlang bakawan, naitanim sa ika-25 Pista ng Kalikasan sa Palawan


Pista ng Kalikasan
Ilan lamang and dalawang girls scout na ito sa mahigit 700 indibidwal na nakiisa sa isinagawang Mangrove Tree Planting kasabay ng pagdiriwang ng ika-25 taong anibersaryo ng Pista ng Kalikasan sa Palawan kahapon na isinagawa sa Bgy. abo-abo, Sofronio Espanola. (Larawan mula sa Provincial ENRO)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hulyo 31 (PIA) — Umabot sa mahigit 50,000 mangrove propagules o punlang bakawan ang naitanim sa paggunita ng ika-25 taong anibersaryo ng Pista ng Kalikasan sa Palawan kahapon.

Isinagawa ito sa nasa limang ektaryang dalampasigan sa Bgy. Abo-abo sa Bayan ng Sofronio Española na dinaluhan ng mahigit 700 mga mag-aaral mula sa iba’t-ibang paaralan sa nasabing munisipyo, mga barangay official, municipal officials at iba pang stakeholders ng programa.

Ang nasabing programa ay ipinatutupad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa ilalim ng Provincial Environment and Natural Resources Office sa pangunguna ni Provincial ENRO Atty. Noel Aquino simula pa noong 1994 sa pakikipagtulungan na rin ng mga Lokal na Pamahalaang Bayan sa Palawan at iba pang katuwang na mga ahensiya, Non-Government Organization (NGOs) at mga Civil Society Organization (CSOs).

Ayon kay Atty. Aquino, taon-taon ay iba’t-ibang munisipiyo sa Palawan ang pinagdadarausan ng Pista ng Kalikasan kung saan layon nito na mapangalagaan ang kalikasan, kagubatan at ang mga mangrove area ng Palawan.

READ:  Ifugao town holds new festival to preserve culture 

Dagdag pa ni Atty. Aquino na malaki ang pakinabang ng pagtatanim ng bakawan sa risk reduction program ng pamahalaan dahil kapag lumago na ang bakawan ay mapo-protektahan nito ang mga baybayin at dalampasigan sa banta ng pagguho ng lupa. Maging ang komunidad ay mapo-protektahan nito sa storm surge at malalakas na ihip ng hangin.

Malaki rin ani Atty. Aquino ang maitutulong nito sa hanapbuhay ng mga taong naninirahan dito dahil magiging tahanan ito ng mga lamang dagat tulad ng alimango, hipon, isda at sea shells.

Ipinatutupad ang Pista ng Kalikasan batay na rin sa Provincial Ordinance No. 1296-13 o ang “Environmental Code of Palawan”. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Source: PIA Feed