Tagalog News: 604 pamilya sa Mangsee, Balabac na naapektuhan ng bagyong Vinta, natulungan


PUERTO PRINCESA, Palawan, Setyembre 27 (PIA) — Naihatid na sa islang barangay ng Mangsee sa bayan ng Balabac ang tulong para sa 604 pamilya na naapektuhan ng bagyong Vinta noong nakaraan taon.

Ang nasabing tulong ay para sa mga pamilya na ang bahay ay naitalang totally damaged sa isinagawang Post Disaster Analysis and Needs Assessment (PDANA) pagkatapos ng pananalasa ng bagyong Vinta sa nasabing lugar.

Ang bawat pamilya ay tumanggap ng mga materyales para sa pagtatayo ng bahay tulad ng mga yero, kahoy, alulod, plywood, pako, at iba pa na katumbas ng halagang Php30,000.

 

Ibinababa mula sa barko ang mga materyales para sa pagpapatayo ng mga bahay ng nasa 604 pamilya na naapektuhan ng bagyong Vinta noong nakaraang taon sa Mangsee Island, Balabac, Palawan. (Larawan mula sa PIO)
Ibinababa mula sa barko ang mga materyales para sa pagpapatayo ng mga bahay ng nasa 604 pamilya na naapektuhan ng bagyong Vinta noong nakaraang taon sa Mangsee Island, Balabac, Palawan. (Larawan mula sa PIO)

 

Ang mga materyales sa pagpapatayo ng mga bahay ay may kabuuhang Php18,120,000 mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Maliban pa sa mga materyales ay binigyan rin ang mga benepisyaryo ng mga food packs at hygiene kits.

Ang paghahatid ng tulong ay pinangunahan ni Eduard Miagao ng DSWD katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management of Office (PDRRMO).

READ:  OCD partners with DepEd in NDRM activities

Aktibo ring nagpakita ng suporta ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Balabac at Bgy. Mangsee.

Inaasahan naman na bago matapos ang taong 2018 ay maibibigay na rin ang tulong para sa mga pamilya sa nasabi ring barangay na napabilang naman sa listahan na ang mga bahay ay partially damaged. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Source: PIA Feed