Tagalog News: Andanar, inilahad ang mga magiging bahagi ng ‘Duterte legacy’


Ibinahagi ng Kalihim ng Presidential Communications Operations Office na si Martin Andanar ang mga makabuluhang pagbabago na nangyari at mangyayari sa bansa sa ilalim ng administrasyong Duterte. (Mar Jay S. Delas Alas/PIA 3)
 

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga, Hulyo 5 (PIA) — Inilahad ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanarang mga pagbabagong mangyayari sa nalalabing tatlong taon ng administrasyong Duterte. 
 
Sa kanyang pagbisita sa Pampanga, binanggit niyang may tatlong bagay na magiging bahagi ng legacy ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.
 
Isa rito, aniya, ang paglaban sa kahirapan at ang bisyon ng pamahalaang makamit ng Pilipinas ang upper middle class na estado hanggang 2022.  Ayon sa kalihim, pangako ng administrasyong Duterte na pababain ang antas ng kahirapan mula 21 hanggang 14 porsyento sa katapusan ng kanyang termino. 
 
Dagdag ni Andanar, batay sa pagtatasa ng mga nasa sektor ng ekonomiya at pagnenegosyo, positibo silang makakamit ng Pilipinas ang inaasam nitong estado hanggang sa taong 2022.
 
Binanggit din niya ang programang Build Build Build na tutulong sa pagbaba ng antas ng kahirapan sa pamamagitan ng paglikha ng mas maraming trabaho.
 
Sa ilalim ng administrasyong Duterte, sinabi ni Andanar na magkakaroon ng underground train system sa Kalakhang Maynila at istasyon ng tren mula Tutuban hanggang Clark.
 
Sinabi rin niya na hindi na kailangang pumunta pa sa Ninoy Aquino International Airport ng mga residente ng Gitna at Hilagang Luzon sa sandaling matapos ang pagpapalawak sa terminal ng Clark International Airport.
 
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng kapayapaan at kaayusan sa proseso ng pag-unlad.
 
Aniya, isa sa layunin ng Pangulo na wakasan ang komunismo sa bansa dahil hindi ito magiging progresibo kung laging may alitan at digmaan.
 
Sa kanyang unang tatlong taon bilang Pangulo, nakapagpatupad na si Pangulong Duterte ng iba’t ibang mga reporma sa pamahalaan.
 
Kabilang dito ang libreng edukasyon para sa mga mag-aaral sa mga  pampublikong kolehiyo at unibersidad; libreng irigasyon para sa mga magsasakang may apat na ektarya ng lupa; karagdagang benepisyo sa PhilHealth at Social Security System; no deposit bill sa mga ospital; at ang Bangsamoro Organic Law. (CLJD/MJLS-PIA 3)

READ:  259 Caraga cops undergo annual physical examination

Source: PIA Feed