Tagalog News: Ani ng 'hybrid rice' sa Palawan tumaas sa 2018


CRFBS2
Ang mga magsasaka sa bayan ng Brooke’s Point na sumailalim sa Climate Resilient Farm Business School (CRFBS) upang mapataas ang produksiyon ng palay. (Larawan mula kay MIO Romeo Tan ng Brooke’s Point, Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Dis. 3 (PIA) — Nasa 5.07 metriko tonelada kada ektarya ang average na ani ng palay ang naitala ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) mula sa mga magsasaka na benepisyaryo ng programang hybrid rice commercialization.

Sa ulat na inilabas ng OPA sa pamamagitan ng Provincial Information Office (PIO), mas mataas ang ani ng hybrid rice ngayong taon ng 1.57 metriko tonelada kada ektarya gamit ang hybrid rice seed na ‘mestizo 20’ kung ikukumpara sa nakalipas na taon na mayroon lamang 3.5 average na ani ang mga magsasaka sa paggamit ng certified seeds ng palay.

Ang nasabing average na ani ay naitala sa wet season o panahon ng tag-ulan mula Marso 16 hanggang Setyembre 15. Ito rin ang tinatawag ng mga magsasaka na panahon ng ‘first crop’.

Ang pagtaas ng ani ng palay na naitala ng OPA ay mula lamang sa 84 magsasakang tumanggap ng tulong-pautang mula sa pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng programang Productivity Rice Enhancement Development (PRED) na naunang nakapag-ani.

READ:  DENR@31: Protecting the environment is everyone’s duty

Ayon sa pamunuan ng OPA nasa 200 magsasaka ang benepisyaro ng nasabing programa mula sa mga munisipyo ng Narra, Aborlan, Bataraza, Brookes Point, Rizal, Quezon, Roxas at Sofronio Espanola kung saan nakikitang “feasible” ang pagtatanim ng hybrid rice.

Mayroon ding panibagong 200 magsasaka ang benepisyaryo ng programa ngayong dry season mula Setyembre 16 hanggang Marso 15 o itong tinatawag ng mga magsasaka na panahon ng ‘second crop’.

Ang programang PRED ng OPA ay nakatuon sa pagpapahiram ng mga kinakailangang farming inputs sa mga magsasaka na kinabibilangan ng kumpletong abono at hybrid rice seeds. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

 

Source: PIA Feed