Tagalog News: Aplikasyon para sa September 2019 BLEPT, isinasagawa ngayon Romblon

Ang mga tauhan ng PRC Lucena habang nagpoproseso ng mga aplikasyon ng mga nais kumuha ng September 2019 Board Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT) na gaganapin sa RSU Main campus sa bayan ng Odiongan. (Dinnes Manzo/PIA-Romblon)

ROMBLON, Romblon, Hulyo 10 — Ang Professional Regulation Commission (PRC) – Lucena ay kasalukuyang nasa bayan ng Romblon upang magproseso ng aplikasyon ng mga nagtapos ng kurso sa pagtuturo at nais kumuha ng September 2019 Board Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT).

Ang mga kinatawan ng PRC–Lucena sa pangunguna ni Reynaldo V. Cristobal, OIC – Director at mga kawani ng Office of the Governor ay dalawang araw na magtutlungan sa pagproseso ng aplikasyon para sa BLEPT na ginaganap ngayon sa Governor’s Residence sa Romblon, Romblon.

Muli namang nagpaalala ang PRC sa lahat ng aplikanteng nais kumuha ng pagsusulit ay kailangang mag-aplay muna at magbayad online bago pumila sa kanilang nakalatag na mobile services.

Ang aktibidad na ito ay bukas para sa lahat ng mga nakapagtapos ng Bachelor of Elementary Education (BEE) o Bachelor of Secondary Education.

Ayon kay Maria Theresa M. Riano, Administrative Assistant II, na dapat samantalahin ang pagkakataong ito upang makatipid sa gastusin ng pagpoproseso ng kanilang lisensiya at aplikasyon para sa eksaminasyon.

READ:  HIV testing, right to health - Lanao Norte execs

Target ng PRC Lucena na 1,200 aplikasyon ang kanilang maipoproseso ng hanggang bukas upang makakuha ng eksaminasyon sa Setyembre 2019 na gaganapin sa Romblon State University (RSU) Main campus sa bayan ng Odiongan.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Source: PIA Feed