Tagalog news: Bagong minimum wage sa lalawigan ng Romblon, inilabas ng DOLE


 

Sinabi ni Carl Villaflores (panagalawa mula sa kanan) ng DOLE-Romblon na ipinaiiral na nila ngayong buwan ang bagong  minimum wage sa probinsiya na P271/day minimum wage sa employer na may 10 below workers at P300/day naman kung ang employer ay may 10-pataas na empleyado o trabahador.

ODIONGAN, Romblon, Agosto 10 (PIA) — Inilabas ng Department of Labor (DOLE)-Romblon Field Office ang bagong minimum wage sa lalawigan ng Romblon na epektibo noong unang araw ng Agosto ng taong kasalukuyan.

Ayon kay Carl Villaflores, provincial officer ng DOLE, ipinaiiral na ng kanilang ahensiya ngayong buwan ang minimum wage sa probinsiya kung saan ang mga employer na may 10-pababang empleyado ay dapat magbigay ng P271/day minimum wage at P300/day naman kung ang employer ay may 10-pataas na bilang ng mga empleyado o trabahador.

Muling pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment – Romblon (DOLE-Romblon) ang mga employer na dapat sundin ang itinakda ng batas na minimum wage sa probinsya ng Romblon.

Dapat din aniyang magbigay ng separation pay ang mga employer kung sakaling may mag-resign o tinanggal sa kanilang mga empleyado.

READ:  DSWD records first cybersex case in Region 2

“Ang separation pay depende yan kung naka-6 months na ang worker kaya kinu-consider nang 1-year yan at kung wala pang 6-months, wala ring separation pay. Pero may mga employer kasing mababait, kahit 3-months pa lang ay nagbibigay na ng separation pay,” pahayag ni Villaflores sa Kapihan sa PIA.

Paalala pa ni Villaflores, ang pagbabayad sa PhilHealth at SSS ng empleyado ay sagot ng employer kung sakaling mababa sa P5,000 ang sahod nila at sharing naman kung sakaling mahigit P5,000 ang natatangap kada buwan.

Ani pa ni Villaflores, kung sakaling may mga employer na hindi sumusunod sa batas ng paggawa, maaaring dumulog sa kanilang tanggapan upang kagyat nilang mabigyan ng aksiyon.

Samantala, aminado rin si Villaflores na batay sa kanilang monitoring ay bahagyang tumaas ang bilang ng mga walang trabaho sa lalawigan ng Romblon.

Ang isa sa mga nakikitang dahilan ng DOLE ay walang malalaking kumpanya, pabrika o opisina na maaaring aplayan o pasukan ang mga Romblomanon sapagkat wala pa namang malaking investor na naglalagak ng kanilang negosyo dito.

Kaya hinihimok nito ang mga kabataan na mag-aral ng kursong agrikultura, agri-business o anumang kurso na may kinalaman sa agcriculture dahil ito ang angkop na trabaho sa probinsiya.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Source: PIA Feed