Tagalog News: Bagong Prov'l Advisory Council members, hihirangin sa Hulyo

Binabati ni PAC Chairman at Vice Governor Peter Alfaro (kaliwa) si  Police Provincial Director Joseph Bayan (kanan), sa nominasyon ng huli bilang Best Senior Police Commisioned Officer for Operations. (Voltaire N. Dequina)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Hunyo 28 (PIA) — Nakatakdang hirangin ang mga bagong kasapi ng Occidental Mindoro Provincial Advisory Council (PAC) sa Hulyo.

Ito ay matapos ideklara ni PAC Chairman at Vice Governor Peter Alfaro, ang opisyal na pagtatapos ng termino ng mga kasalukuyang PAC members, sa ginanap na pulong ng konseho noong ika-10 ng Hunyo, sa Camp Winston Ebersole, San Jose.

Ayon kay Alfaro, ang pagbakante sa mga posisyon sa PAC ay pagtupad sa panuntunan ng samahan, kung saan maaring manungkulan ang Chairman ng dalawang taon at isang taon para sa bawat miyembro nito.

Ipinanukala din ng PAC Chairman kay Police Provincial Director Joseph Bayan na agad magpalabas ng paanyaya sa mga posibleng maging bagong kasapi ng kapulungan na kakatawan sa iba’t ibang sektor sa lalawigan.

 

“Sa ating kasunod na pulong ngayong Hulyo ay magkaroon na ng eleksyon upang bigyan ng pagkakataon ang iba nating kasamahan na makapanungkulan,” saad ni Alfaro.

READ:  Davao cooperative: Amend PH building code to power up rural areas

Tiniyak naman ni Bayan ang agarang pagpapadala ng paanyaya sa mga posibleng representante ng sektor ng Pamahalaan, Kabataan, Media, Ekonomiya, Simbahan, Paaralan, Non-Government Organization (NGO), Katutubo at Senior Citizens.

Ang PAC ay kabalikat ng Philippine National Police (PNP) upang higit na mapaganda ang ibinibigay na serbisyo ng kapulisan sa komunidad. Suportado din ng kapulungan ang mga plano at programa ng ahensya sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa lalawigan. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Source: PIA Feed