Tagalog News: Bayan ng Rizal, Palawan, pamumunuan ng isang katutubong Palaw’an


Municipal Officials of Rizal Palawan
Ang mga bagong halal na opisyal ng Bayan ng Rizal, Palawan sa pangunguna ni Mayor Otol J. Odi sa isinagawang Panunumpa sa Tungkulin kamakailan sa Lungsod ng Puerto Princesa. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hulyo 3 (PIA) — Isang katutubong Palaw’an ang mamumuno sa Bayan ng Rizal, Palawan sa loob ng tatlong taon (2019-2022).  Ito ay ang 77 taong gulang na si Otol J. Odi, Tribal Leader sa nasabing bayan.

Kahapon sa pangunguna ni Department of Interior and Local Government (DILG) Local Government Operation Officer Joseph Lorenzo ay isinagawa ang turn-over ceremony para sa pamunuan ni Mayor Elect Odi mula sa dating Mayor na si Norman S. Ong, na ngayon ay Vice Mayor naman ng nabanggit na bayan.

Sa talumpati ni Mayor Odi sa harap ng mga empleyado ng Pamahalaang Bayan ng Rizal at mga bisita, sinabi nitong “wala man akong pera, pero babayaran ko kayo ng serbisyo”.

Tututukan din aniya nito ang mga programang pangkabuhayan, pangkalusugan at pantay-pantay na pagtingin sa kapwa nito katutubo.

Isang kasaysayan sa Bayan ng Rizal ang pagkakapanalong ito ni Odi sa pagka-Mayor noong May 13 National and Local Elections, kung saan nakakuha ito ng 8,575 na boto.

READ:  Tabuk City barangay  engages pupils in plastic bottle for school supplies

Si Odi ang kauna-unahang katutubo na naging Alkalde ng Bayan ng Rizal.

Naitatag ang nasabing munisipyo noong Abril 14, 1983 at ipinangalan ito kay dating Pangulong Ferdinand E. Marcos kung saan nakilala ito bilang Marcos Town.

Sa pamamagitan naman ng Republic Act 6652, ito ay pinalitan ng pangalang Municipality of Dr. Jose P. Rizal na nagkabisa noong Abril 17, 1988. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

 

Source: PIA Feed