Tagalog news: Book author, hinikayat ang mga Fernandino na maging ‘everyday hero’


Si Desiree Ann Cua Benipayo (ikalima mula sa kanan), book author at kaanak ni dating Chief Justice Jose Abad Santos, ang nagsilbing panauhing pandangal sa ginanap na pagdiriwang ng ika-120 Araw ng Kalayaan sa Bren Z. Guiao Convention Center, lungsod ng San Fernando. (Carmela Jane F. Villar/PIA 3)

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga, Hunyo 14 (PIA) — Binaggit nitong Martes ng book author at kaanak ni dating Chief Justice Jose Abad Santos ang mga paraan kung paano magiging “everyday hero” ang mga Fernandino.

Sa kanyang mensahe sa katatapos na pagdiriwang ng ika-120 Araw ng Kalayaan sa Bren Z. Guiao Convention Center, sinabi ni Desiree Ann Cua Benipayo na hindi kinakailangan na mabilanggo o mamatay para lamang maipakita ang kabayanihan dahil maaari itong maipamalas sa pang araw-araw na gawain tulad ng pagsunod sa batas.

Mga gawain tulad ng hindi pagkakalat ng basura, pagtatanim ng puno, pagtitipid sa kuryente, at pagtangkilik sa mga produktong Pilipino ay maituturing na maliliit na kabayanihan. 

READ:  Pres. Duterte inaugurates PHL’s 1st ‘resort airport’

Isinalaysay din niya ang kuwento ni Abad Santos na isang Kapampangan na lumaban sa pananakop ng Hapon.

Bago pa man namatay si Abad Santos ay bayani na siyang maituturing sa paggawa ng buong husay sa lahat ng kanyang gawain tulad ng pagdadala ng mensahe sa mga hukbong laban sa Hapon at sa kanyang dedikasyon bilang isang kawani ng pamahalaan.

Ibinahagi rin ni Benepayo ang ang kuwento ni Zahara, isang no-read, no-write  na Pilipinong nakita niya sa immigration at nakatakdang magtrabaho sa ibang bansa bilang isang domestic helper sa ibang bansa. 

Ang mga Zahara sa ating komunidad na handang sumabak, sumugod at makipagsapalaran para maitaguyod ang pamilya at maging mainam ang buhay nila, ayon kay Benepayo, ay ang mga tunay na bayani ng bansa.

Bilang pangwakas, hinimok niya ang lahat na kumuha ng inspirasyon mula sa mga kwento ng mga kilala at di-kilalang bayani upang tularan natin sila at bigyang-pugay dahil ang kanilang kadakilaan at kabayanihan ang nagbubuklod sa atin bilang isang bansa. 

Ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa taong ito ay may temang “Pagbabagong Ipinaglaban, Alay sa Masaganang Kinabukasan.” (CLJD/MJLS-PIA 3)

Source: PIA Feed