Tagalog News: Brooke’s Point bilang 'Coconut Capital', Bataraza bilang 'Pineapple Capital' ng Palawan, isinusulong


Brooke's Point & Bataraza
Sa itaas na mga larawan: (mula kaliwa, hanggang sa itaas) ang Pamahalaang Bayan ng Brooke’s Point; ang malawak na taniman ng niyog sa Agri-World ng nasabing bayan; Ang produktong niyog. (mula kaliwa, sa ibabang larawan) Ang Pamahalaang Bayan ng Bataraza; ang Landmark ng nasabing bayan. at ang ipinagmamalaking produkto ng Bataraza, ang mga pinya.  Isinusulong ngayon sa Sangguniang Panlalawigan ng Palawan ang Bayan ng Brooke’s Point bilang ‘Coconut Capital’ at ang Bayan ng Bataraza bilang ‘Pineaplle Capital’ ng lalawigan ng Palawan. (Mga larawan mula sa Municipal Tourism Office ng dalawang munisipyo)

PUERTO PRINCESA PALAWAN, Hulyo 26 (PIA) — Isinusulong ngayon ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan ang pagdi-deklara ng Bayan ng Brooke’s Point bilang ‘Coconut Capital’ at ang Bayan ng Bataraza bilang ‘Pineapple Capital’ ng lalawigan.

Ang pagdideklara ng mga ito ay sa pamamagitan ng magkahiwalay na panukalang ordinansa bilang 6-2019 at 7-2019 na iniakda nina Palawan 2nd District Board Members Cesareo Benedito, Jr. at Ryan Maminta.

Sa panukalang ordinansa bilang 6-2019, sinasabi dito ng dalawang lokal na mambabatas na ang Bayan ng Brooke’s Point ang may pinakamalawak na taniman ng niyog sa buong lalawigan na umaabot sa 22,790.25 ektarya at ang bayan ding ito ang may pinakamalaking ambag sa industriya ng pagniniyog na umaabot sa 33 porsiyento ng kabuuhang produksyon ng lalawigan.

Nakapaloob din sa ordinansa na sa pagkaka-deklara ng Bayan ng Brooke’s Point bilang ‘coconut capital’ ay kasabay ding idini-deklara ang Pista Y Ang Kaniyogan tuwing ika-22 ng Marso ng bawat taon bilang opisyal na selebrasyon ng nasabing bayan para mas lalo pang mai-promote ang industriya ng pagniniyog gayundin ang pagbibigay pagkilala sa mga magsasaka ng niyog.

Bago pa man ang ordinansang ito ay ilang taon na ring ipinagdiriwang ng Bayan ng Brooke’s Point ang Pista Y Ang Kaniyogan bilang official festival at pagkakakilanlan ng nasabing munisipyo. Ito ay sa pamamagitan ng ipinasang Municipal Ordinance No. 2007-06.

READ:  CFO ensures welfare of Filipino Immigrants

Mayroon na rin planta o pagawaan sa nabanggit na munisipyo na nagproproseso sa niyog upang maging iba’t-ibang produkto na iniluluwas pa sa ibang bansa.

Samantala, sa panukalang ordinansa bilang 7-2019, sinasabi naman dito na sa kasalukuyan ay ang Bayan ng Bataraza ang may pinakamalawak na taniman na umaabot sa 580 ektarya at kilalang prodyuser ng pinya ng lalawigan.

Sa nasabi ring ordinansa ay kasabay na idini-deklara ang Pineapple Festival bilang opisyal na selebrasyon ng nasabing bayan at ipagdidiriwang ito tuwing ika-tatlong linggo ng Buwan ng Hulyo taon-taon.

Kamakailan lamang ay ipinagdiriwang sa nasabing bayan ang kauna-unahang Pineapple Festival.

Ayon pa sa dalawang opisyal, ang kanilang panukalang ordinansa ay alinsunod sa isinasaad ng RA 10816 o ang Farm Tourism Development Act of 2016.

Isa rin sa nakikitang benepisyo ng ordinansa para sa dalawang bayan ang inaasahang pag-usbong pa ng agrikultura at ng kanilang ekonomiya, dagdag pa ng mga may akda nito.

Sa kasalukuyan ay nai-refer na sa kaukulang komite sa Sangguniang Panlalawigan ng Palawan ang dalawang ordinansa upang masusing matalakay at mapag-aralan. (OCJ/PIA-Mimaropa, Palawan)

Source: PIA Feed