Tagalog News: CBST ng Puerto Princesa, pinagkalooban ng P4.9M proyektong pangkabuhayan ng DOLE


 

(Larawan mula sa Faebook page ni PPC Mayor Lucilo R. Bayron)

Kasama ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron (dulong kaliwa) ang mga kinatawan ng mga benepisyaryong Community-Based Sustainable Tourism (CBST) associations na dumalo sa ‘Flag Raising Ceremony’ sa city hall, kung saan pagkatapos ng seremonya ay iginawad sa mga ito ang ‘certificates of award’ kaugnay sa kanilang tatanggaping halaga ng proyektong pangkabuhayan sa ilalim ng Integrated Livelihood Program (ILP) ng Department of Labor and Employment (DOLE). Nasa larawan din si City Tourism Officer Aileen Cynthia Amurao (gitna). 

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hulyo 23 (PIA) — Tumanggap ng proyektong pangkabuhayan na nagkakahalaga ng mahigit P4.9M ang limang asosasyon ng Community-Based Sustainable Tourism (CBST sa lungsod ng Puerto Princesa, mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Pagkatapos ng seremonya sa pagtataas ng watawat sa gusaling panlungsod noong Lunes, iginawad ni Mayor Lucilo Bayron sa mga kinatawan ng mga benepisyaryong asosasyon ang mga sertipiko ng award.

Napagkalooban ng proyektong pagpaparenta ng snorkeling at kagamitan para sa mga bangka na nagkakahalaga ng P499,500 ang Babuyan Twin Sandbars Association (BTWA), habang nabigyan naman ng proyektong panaderya na nagkakahalaga ng P265,465 ang Isla Felomina Snorkeling and Diving Association (ISFA).

Benepisyaryo rin ng proyektong water refilling station na nagkakahalaga ng P750,000 ang Tagabinet Neighborhood Tourism Association (TNTA), Ang Community Park Warden CBST Association  na namamahala sa ‘jungle trail’, nakatanggap ng survival t-shirt printing at pagbebenta nito na nagkakahalaga ng P231,140, at halagang P499,500 rin na halaga ng proyektong pangkabuhayan para sa photo, t-shirt, and printing equipment ang napunta sa Magayen Buenavista Consumers Cooperative (MBCC).

Samantala, ayon kay Aileen Cynthia Amurao, hepe ng City Tourism Office (CTO), na siyang nagsikap upang masakop ng Integrated Livelihood Program (ILP) ng DOLE ang mga samahan, unang bahagi pa lamang ang mga kaloob na ito sapagkat may mga susunod pang mabibigyan.

Aniya, hangad ng lokal na pamahalaan na makapagpatuloy at mas umunlad pa ang 14 na samahan ng mga CBST sa lungsod na may malaking kaugnayan at suporta sa turismo ng siyudad. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

 

Source: PIA Feed

READ:   2 patrol cars beef up Compostela Valley police