Tagalog News: Comelec-Romblon, nagpaalala sa mga kumandidato na magsumite ng SOCE


Nagpaalala si Reynaldo Fabella (nasa harapan), Election Officer ng Comelec sa bayan ng Odiongan, sa mga kumandidato nitong nakaraang midterm elections na magsumite ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) bago o sa Hunyo 13.  (Dinnes Manzo/PIA-Romblon)

ODIONGAN, Romblon, Mayo 29 (PIA) — Pinaaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec)-Romblon ang mga kumandidato nitong nakaraang halalan na maghain ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) bago o sa Hunyo 13.

Sa ginanap na Kapihan sa PIA ay sinabi ni Reynaldo Fabella, Election Officer ng Comelec sa bayan ng Odiongan na nakasaad sa Republic Act 7166 Section 14 na dapat ihain ng kandidato ang kanilang SOCE, 30 araw matapos ang halalan sapagkat mandato ito sa kanilang ahensiya na ipatupad ang election laws.

Ang mga tumakbo sa nakaraang midterm elections, nanalo man o natalo ay kailangang maghain ng SOCE na nagsasaad ng kanilang mga nakuhang kontribusyon maging cash o in-kind mula sa kanilang mga kaibigan o kakampi.

Kailangang ilakip sa SOCE ang mga supporting documents tulad ng mga resibo at disbursement books kasama ang limang porsiyentong creditable withholding tax on purchasing of goods and services sa panahon ng kampanya.

 

Mahalaga ang paghahain ng SOCE dahil pwedeng maalis sa kanilang puwesto o kaya hindi na sila puwedeng kumandidato sa mga susunod na halalan.

READ:  Oroquieta zipline crew trains in occupational safety, health

BInigyan-diin ni Fabella ang pakiusap ng Comelec na huwag na sanang hintayin pa ng mga kumandidato ang huling araw ng pagsusumite ng SOCE upang maiwasan ang pagdagsa sa opisina .  (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Source: PIA Feed