Tagalog News: DOH Mimaropa, naglunsad ng pagsasanay sa mga ‘blood donor recruitment officer’


(Larawang kuha ni Leila B. Dagot/PIA-Palawan)

 

Hangad ng Department of Health (DOH) na mapaangat ang kamalayan ng mga mamamayan sa pagbibigay ng dugo at maipabatid ang kahalagahan at benepisyo mula rito upang makahikayat pa ng maraming donor. Ito ang tinuran ni Anthony Peñaflor (pangalawa sa kaliwa), blood program point person sa Palawan ng DOH-Mimaropa sa isinagawang ‘Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA)’ kaugnay sa pagdiriwang ng National Blood Donor’s Month. (LBD/PIAMIMAROPA/Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hulyo 12 (PIA) — Upang mapaangat ang kamalayan ng bawat indibiduwal patungkol sa pagkakaloob ng dugo, puspusan ang ginagawang pagsasanay ngayon ng Department of Health (DOH) sa mga magiging ’blood donor recruitment officer’.

Sinabi ni Anthony Peñaflor, blood program unit point person ng DOH sa Palawan na ang mga ito ang magsisilbing tagapaghikayat sa mga mamamayan upang boluntaryong magbigay ng dugo.

“Sa kasalukuyan, ang partisipasyon ng DOH Mimaropa ay nagsasanay tayo ng mga donor recruitment officers upang mapataas pa ang bilang ng mga nagdo-donate ng dugo,” ani Peñaflor sa isinagawang ‘Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA)’.

READ:  11 towns in Pangasinan suspend classes due to TD Nimfa

Aniya, bahagi ito ng National Voluntary Blood Services Program ng kagawaran na naglalayong mapataas ang antas ng kamalayan ng publiko hinggil sa kahalagahan at mga benepisyo sa pagbibigay ng dugo kahit walang kapalit na ano mang bagay o halaga.

“Isa po kasi sa mga challenges ng blood program ay “boluntaryo” ito, so dapat ma-educate ang donor upang tumatak sa kaniya ang willingness sa pagbibigay ng dugo na walang kapalit,” dagdag pa ni Peñaflor.

Sa bawat munisipyo sa lalawigan ay mayroong sinasanay na mga blood donor recruitment officer ang DOH na ang hangad ay mapataas ang bilang ng mga lalahok sa mga gawaing donasyon ng dugo.

Samantala, kaugnay ng selebrasyon ng ‘National Blood Donor’s Month’ ngayong taon, magsasagawa ng malakihang Mobile Blood Donation ang DOH katuwang ang iba pang ahensiya na idaraos sa SM Mall Puerto Princesa sa darating na ika-26 ng Hulyo.

“Hinihikayat natin ang lahat na lumahok sa gawaing ito para mas malaki pa ang malikom nating dugo, last year kasi nakapagtala tayo ng 218 na blood donors, hopefully tumaas pa ito,” aniya pa. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Source: PIA Feed