Tagalog News: DOLE, nakapagtala ng 99% SENA settlement rate sa Gitnang Luzon


Umabot sa 99 porsyento ang settlement rate na naitala ng Department of Labor and Employment 3 para sa taong 2018. Katumbas ito ng pagkaresolba sa  2,234  request for assistance kung saan 5, 787 manggagawa ang nakakuha ng  lampas 160 milyong piso. (DOLE Region 3)

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga, Enero 22 (PIA) — Nakapagtala ang Department of Labor and Employment o DOLE ng 99 porsyentong settlement rate sa mga labor disputes sa Gitnang Luzon nitong 2018 sa pamamagitan ng Single Entry Approach o SENA.
 
Ayon kay DOLE Regional Director Zenaida Angara-Campita,  nag-ugat ang mataas na resolution rate mula sa pagkakaresolba  ng 2,234 sa 2,250 requests for assistance o RFAs na nagbigay daan upang makuha ng may 5,787 manggagawa ang kanilang monetary claims na umabot sa lampas P160 milyon.
 
Bulacan ang nakapagtala ng pinakamataas na settlement record na umabot ng P79.49 milyon para sa 1,068 manggagawa.
 
Sinundan ito ng Pampanga na may P41.20 milyon para sa 2,800 manggagawa; Tarlac- P20.42 milyon para sa 659 manggagawa; Zambales- P9.21 milyon para sa 545 manggagawa; Nueva Ecija- P3.61 milyon para sa 244 manggagawa; at Aurora- P1.46 milyon para sa 56 manggagawa.
 
Samantala, nakapagresolba din ng kaso ang Regional Office na umabot sa P43,043.39 para sa tatlong manggagawa.
 
Patuloy din aniya ang kanilang mga tanggapan sa pagsisikap na mapabilis ang pagresolba ng mga kaso at pagproseso ng monetary claims na tumatagal lamang ng tatlo hanggang apat na araw kumpara sa 30 araw na pamantayan sa ilalim ng programa ng SENA. 
 
Ang SENA ay isang social mediation reform program ng DOLE na nakatuon sa mabilis at murang paraan sa paghawak ng mga alitan sa trabaho. (CLJD/MJLS-PIA 3)
 

READ:  Isabela cooperatives receive 10,000 OL traps from DOST

Source: PIA Feed