Tagalog News: Eradikasyon ng rabis sa Mimaropa, hangad ng mga gov't vet

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Setyembre 28 (PIA)— Nais ng mga government veterinarian sa Mimaropa na tuluyang mawala ang rabis sa rehiyon sa taong 2020.

Ito ang ipinahiwatig ni Dr. Joshue Victoria, Provincial Veterinarian ng Marinduque, sa ginanap na 2nd Mimaropa Regional Rabies Summit sa Sikatuna Beach Hotel, San Jose kamakailan.

Ayon kay Victoria, malaki ang posibilidad na makamit nila ang layuning ito. “Matutupad iyan dahil sa concerted efforts natin. Dapat talaga sama-sama, hindi kanya-kanya,” dagdag na pahayag ni Victoria.

Ganito din ang saloobin ni Dr Kristoferson Gonzales, Provincial Veterinarian ng Occ Min. Aniya, higit na makakatulong kung makakatuwang sa pagsugpo ng rabis ang mga tagapamuno sa pamahalaang lokal at iba pang ahensya ng pamahalaan.

“Ang Eradikasyon ng Rabis sa taong 2020 ay isinunod sa pangkalahatang layunin ng pamahalaan,” paliwanag naman ni Dr. Eugene Anthony Rozal ng Marinduque. Aniya, inako na ng samahan ang layuning ito sa ginanap na kauna-unahang Mimaropa Rabies Summit sa Oriental Mindoro noong 2017.

READ:  Tagalog News: BJMP Naga, nagbukas ng oportunidad sa mga PDL

“Malaking tulong ang summit upang malaman ng mga lokal na opisyal at ahensya na kailangan ang tulong nila sa eradikasyon ng rabis,” dagdag pa ni Rozal.

Samantala, kabilang sa mga ahensya na sumuporta sa 2nd Regional Mimaropa Rabies Summit ang Department of Education, Department of the Interior and Local Government, Department of Health at Department of Agriculture. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

 

 

Ang pagkakapon ng mga alagang aso at pusa ay kabilang sa mga aktibidad sa idinaos na 2nd Mimaropa Regional Rabies Summit sa bayan ng San Jose. (Voltaire N. Dequina)

 

Source: PIA Feed