Tagalog news: Estratehiya ng gobyerno kontra-malaria sa Palawan, mas pinalakas


 

Tinatalakay ni Kilusan Ligtas Malaria (KLM) Program Manager Aileen Balderian sa mga miyembro ng lokal na mamamahayag sa Palawan ang mga hakbang na kanilang ginagawa upang maabot ang hinahangad na pagsugpo ng sakit na Malaria bago sumapit ang taong 2025 at makapag-deklara na malaria-cleared ang lalawigan sa 2030. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hulyo 13 (PIA) — Mas pinaigting na mga pamamaraan ang ginagawa ngayon ng programang Kilusan Ligtas Malaria (KLM) ng lokal na pamahalaan ng Palawan.

Ito ay upang tuluyan nang masugpo ang sakit na Malaria sa mga kabundukan ng lalawigan.

Sa isinagawang ‘Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA)’, sinabi ni Aileen Balderian, program manager ng KLM na kanilang pinalakas ang kampanya sa pamamagitan ng pag-baba-bahay-bahay sa kanilang tinututukang lugar dahil sa nakitang mataas na kaso ng malaria.

“Dati naka station lang ang ating mga volunteers doon sa mga patients o RHU, ngayon naka-focus na sila sa lugar at umaakyat sa mga kabundukan para hanapin isa-isa o magbabahay bahay para maka-focus kung nasaan ang cases”, tinuran ni Balderian.

Mayroon na ring 242 barangay microscopist ang KLM at 244 na Rapid Diagnostic Test (RDT) na siyang sumusubaybay sa mga komunidad.

“Dinalasan natin ang spraying activity, kung dati twice a year lang, ngayon po tatlong beses kada taon na tayo,  tuwing 3-4 na buwan ang spraying, para ang mga insecticide na ini-spray matitiyak na nandon parin sa dingding ng mga kabahayan, bago mag-expire ay naka-spray na tayo uli,” ani pa ng opisyal.

READ:  Surprise drug test on 200 PDLs, greyhound ops yield negative

Patuloy din ang pagtuturo ng KLM sa mga komunidad ng mga katutubo na naninirahan sa mga kabundukan sa mga pamamaraan upang makaiwas sa lamok na may malarya maging epektibo ang kanilang mga hakbang.

Tiwala asi Balderian na may magandang resulta ang kanilang kampanya at programa sapagkat makikita ang pagbaba ng positibong kaso nito.

“Kung dati’y 432 barangays pa sa lalawigan ang minomonitor natin, nabawasan na ito sa ngayon dahil ang  bayan ng Culion, Coron, Busuanga, Araceli at Dumaran na limang taon nang walang positibong kaso ng malaria,” dagdag pa niya.

Kaugnay nito, hangad ng gobyerno na makapag-deklara nang ligtas o wala nang malarya sa lalawigan sa taong 2030, kung kaya aniya kinakailangan na sa taong 2022 ay nasa elimination phase na o wala nang nabibilang na positibong kaso ng nasabing sakit.

Dapat din aniyang malinis na sa kabuoan ang lalawigan pagsapit ng taong 2025, sapagkat saka nagdedeklara ng malaria-cleared pagkaraan ng limang taong nalinis ang buong komunidad. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Source: PIA Feed