Tagalog News: Gale Warning, nakataas sa kanlura’t silangang bahagi ng Luzon, Visayas

GALE WARNING: Ipinakikita ni Loriedin De La Cruz ng DOST Pagasa ang mga baybaying dapat munang iwasan dahil mayroon Gale Warning. (Larawan hango sa DOST Pagasa Press Briefing)

LUNGSOD QUEZON, Hulyo 17 (PIA) — Paaala ng DOST Pagasa at ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, pinaiiral ngayon ang Gale Warning na may kaugnayan sa Habagat (Southwest Monsoon).

Ibig sabihin nito, pinapayuhan ang mga madaragat at biyahero na iwasan munang pumalaot sa kanluran at katimugang baybayin ng Katimugang Luzon at kanlurang baybayin ng Kabisayaan dahil sa napakaalon at napakalakas ng hangin sa mga nasabing bahagi ng karagatan.

Nasasaklaw ng Gale Warning dahil sa Habagat ang Batangas, Cavite, Marinduque, Kanlurang baybayin ng Palawan, katimugang baybayin ng Mindoro, Burias Island, Guimaras, Negros Occidental , Aklan at Antique.

Ang lakas ng hangin na mararanasan sa mga nasabing lugar ay tatakbo sa pagitan ng 45 – 63 kilometro bawat oras at ang mga karagatan doon ay magiging maalon hanggang sa napakaalon na aabot hanggang sa apat at kalahating metro ang taas.

Hindi naman nalalayo ang sitwasyon ng mga lalawigan na nasa silangang bahagi ng Luzon (Isabela, Aurora, Camarines, Cantaduanes at ang mga silangang baybayin ng Albay, Sorsogon at Quezon kabilang ang Polilio Island), Samar at Leyte maliban lang na makakaranas ang mga ito ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog-pagkidlat.

READ:  RDC-X endorses site dev’t, Pagatpat Resettlement housing construction

Bukod sa habagat, umiiral sa ngayon ang dalawa pang sistema ng panahon: ang Tropical Storm Falcon at ang namuong low pressure area sa dako ng Ilocos Sur. (LP/DOST-Pagasa)

Source: PIA Feed