Tagalog News: Gob. Reyes ng Marinduque, iniuwi sa lalawigan


Ang pagdating ng labi ni dating gobernador gobernador Carmencita O. Reyes sa Immaculate Conception Cathedral. (Larawan ni Adrian D. Sto. Domingo)

BOAC, Marinduque, Enero 11 (PIA) — Sa huling pagkakataon ay muling nasilayan ng mga kamag-anak, katrabaho, at mga mamamayan ng Marinduque ang labi ni dating gobernador Carmencita O. Reyes nang iuwi ito sa probinsya.

Mula sa Heritage Memorial Park ay ibinyahe patungong Marinduque si Reyes at idiniretso sa Immaculate Conception Cathedral, Boac para sa Banal na Misa.

Sa sermon ni Bishop Antonio Maralit, Jr. ng Diocese of Boac, inalala niya si Reyes bilang isang taong mapagmahal sa simbahan, taumbayan, at kaniyang pamilya.

Matapos ang pananatili ng mga labi ni Reyes sa simbahan ay idiniretso ito sa Marinduque Provincial Capitol upang mabigyan ng pagkilala ng kaniyang mga nakasama sa paglilingkod sa bayan sa pamamagitan ng mga resolusyon mula sa Sangguniang Panlalawigan (SP) at bayan ng Sta. Cruz.

 

Nakidalamhati rin sa araw ring iyon ang bagong talagang gobernador na si Romulo Bacorro kasama ang mga kasapi ng SP.   Ayon kay Bacorro, pagmamahal ang kaniyang maipapabaon sa yumaong dating gobernador. Nagpaabot din ito ng pasasalamat dahil sa pag-udyok ni Reyes sa kanya na manilbihan sa publiko.

READ:  DOH 10 heightens monitoring of lactation stations in CDO

Ilan pa sa mga nagbigay ng eulogy ay sina Acting Division Schools Superintendent Laida Mascarenas, Provincial Health Office Director Gerry Caballes, Mayor Rolando Tolentino ng Gasan at Mayor Russel Madrigal ng Buenavista.

Maging sina Sen. Sonny Angara, Sen. Nancy Binay at Marinduque Representative Lord Allan Q. Velasco ay nakidalamhati sa pagpanaw.

Ang pagbabasbas ni dating Marinduque Representative Regina O. Reyes sa kaniyang ina. (Larawan ni Adrian D. Sto. Domingo)

Nagpaabot naman ng pasasalamat sina dating Marinduque Representatives Edmundo O. Reyes at Regina Reyes-Mandanas sa mga nagpaabot ng pakikiramay.

Ganap na ika-11:00 p.m. nang ihatid muli patungong Heritage Memorial Park ang mga labi ng dating gobernadora.

Ang mga labi nito ay nakatakdang ilagak sa tabi ng kaniyang asawa na si dating Immigration Commissioner Edumundo Reyes.

Ayon sa pamilya ni Reyes, ang sanhi ng pagkamatay ng kanilang ina ay abdominal aortic aneurysm, isang komplikasyon sa puso na naapektohan ang tiyan.

Pumanaw ang dating gobernador sa edad na 87. (ASD/PIA-Marinduque/R4B)

Source: PIA Feed