Tagalog News: Gov. Eduardo Firmalo, nagsagawa ng kanyang 'Ulat sa Lalawigan'


Ibinida ni Governor Eduardo C. Firmalo sa kanyang “Ulat sa Lalawigan” ang mga nagawa o accomplishments ng pamahalaang panlalawigan sa loob ng mahigit walong taon niyang panunungkulan.(Larawan ni Mayor Trina Firmalo-Fabic/LGU-Odiongan)

ROMBLON, Romblon, Setyembre 28 (PIA) — Isinagawa kahapon ni Governor Eduardo C. Firmalo ang kanyang “Ulat sa Lalawigan” o State of the Provincial Address (SOPA) sa Romblon Public Theatre, sa bayan ng Romblon.

Dinaluhan ito ng mga opisyal ng lalawigan, mga kinatawan ng National Government Agencies, mga empleyado ng kapitolyo, barangay officials, head of schools, non-government organizations, religious groups at iba’t ibang sektor ng lipunan.

Sa ginanap na “Ulat sa Lalawigan” ni Governor Firmalo, kanyang ibinida ang mga nagawa o accomplishments ng pamahalaang panlalawigan sa loob ng mahigit walong taon niyang panunungkulan.

Sinabi ng gobernador na simula ng maupo siya sa kapitolyo ay naging priyoridad niya ang mga proyektong pang-Infrastructure, Health, Education, Agriculture, Reforestation at Tourism o tinawag niyang ‘I-HEART’.

Sa imprastraktura aniya, simula 2010 aniya hanggang sa unang quarter  ng 2018 ay aabot na sa P677-million pesos ang halaga ng mga infrastructure projects ang nagawa ng provincial government sa iba’t ibang bayan ng lalawigan kasama na ang mga natapos na proyekto sa mga island municipalities gaya ng Banton, Corcuera, Concepcion at San Jose.

Umaabot na rin aniya sa 29.44 km farm to market road at 21.8km ng provincial road na ang naipakongreto ng pamahalaang panlalawigan sa pangangasiwa ng Provincial engineering Office.

Pagdating naman aniya sa programang pang-kalusugan (Health program), ang Romblon Provincial Hospital sa kasalukuyan aniya ay mayroon ng 40 doktor kumpara noon na apat lamang na doctor ang nakatalaga dito.

Ayon pa sa gobernador, nakatanggap rin ng budget ang provincial government mula sa Department of Health para makatulong sa pagpapaganda pa ng walong ospital sa lalawigan, kasama na ang pondo para sa mga lehitimong mahihirap na pasyente at mga pasyenteng na-admit sa mga ospital sa Kamaynilaan.

Nagkaloob rin aniya ng P28 milyon na budget ang provincial government para sa pagbili ng medical equipment at pagpapaganda ng pasilidad sa mga ospital sa lalawigan.

READ:  Cebuano News: Cusi: PNOC-EC magpalit og mas barato nga lana batok sa inflation

Sa Edukasyon naman, ibinida ni Gov. Firmalo na may P7-P9 milyon pondo kada taon ang nilalaan ng provincial government para sa special education fund. Tinatayang nasa P20-30 milyon na ang halaga ng mga ipinaayos na silid-aralan o mga ipinatayong gusaling pampaaralan at mula 2010 hanggang sa kasalukuyan ay umabot na sa 1,100 scholars ang pinag-aral ng libre ng provincial government sa kolehiyo.

Patuloy namang hinihikayat ni Governor Firmalo ang mga Romblomanon na magtanim ng mga gulay at palay, mag-alaga ng mga live stocks at isulong ang legal na pangingisda para tumaas ang antas ng Agrikultura sa probinsya.

Isa-isang binanggit nito ang iba’t ibang programa ng Office of the Provincial Agriculturist at Office of the Provincial Veterinarian sa pakikipatulungan ng Department of Agriculture na malaki ang naitulong sa mga magsasaka.

Masaya ring ibinida ng punong lalawigan na ang Romblon ay pumaangalawa sa pagiging producer ng seaweeds at niyog sa buong MIMAROPA na bunga ng ginagawang coconut planting program ng pamahalaan.

Sa Turismo naman, sinabi ni Firmalo na tumaas ang bilang ng mga turistang bumisita sa Romblon ngayong taon kung saan batay sa tala ng Provincial Tourism Office ay umabot ito ng 98,574 noong Enero-Hunyo lamang. Malaking bagay aniya ito para mas makilala pa ang Romblon sa loob at labas ng ating bansa para makahikayat ng magdaraos ng mga malalaking event sa probinsiya.

Bago magtapos ang talumpati ni Gov. Firmalo ay isa-isang ipinalabas sa widescreen gamit ang power point presentation ang mga karangalang natano ng probinsya ng Romblon habang nasa ilalim ito ng kanyang pamumuno.

Nangako ang gobernador na bago magtapos ang kanyang termino sa 2019 ay kanyang sisikapin na matapos ang mga proyekto at programang nasimulan para maramdaman ng mga Romblomanon ang tapat na serbisyo ng pamahalaan panlalawigan.(PJF/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

 

Source: PIA Feed