Tagalog News: Ilang kabataan sa Odiongan, nagsanay para maging rescue volunteers


Ang mahigit 15 kabataan sa bayan ng Odiongan na nagsanay upang maging rescue volunteers.(Larawan ni Paul Jaysent Fos/RNN)

ODIONGAN, Romblon, Mayo 16 (PIA) — Mahigit 15 na kabataan sa bayan ng Odiongan ang nagtapos sa 120-oras na pagsasanay para maging rescue volunteers sa panahon ng kalamidad o kung sakaling may sakuna.

Ang mga kabataan na bagong graduate na sinanay ay opisyal nang miyembro ng Romblon Rescue Volunteer Association Incorporated (RRVAI), isang non-government organization sa lalawigan na tumutulong sa gobyerno kapag may sakuna.

Ayon kay Gesmar Fabula, presidente ng RRVAI, ang mga kabataan ay dumaan sa iba’t ibang pagsasanay katulad ng Water Search and Rescue (WASAR), Cardio-Pulmonary resuscitation (CPR) Training at iba pa para masigurong handa silang sumabak sa anumang sakuna.

“Ika-pitong batch na ito ng mga pumasok sa amin upang sumali bilang mga rescue volunteers, maganda at kahit bata pa’y nagiging mulat na sila sa pagiging handa,” ayon kay Fabula.

Sa panayam ng lokal na mamamahayag kay Jenica Manasan, isa sa mga nagtapos sa pagsasanay, sinabi nito na handa na siya kung sakaling may mangyaring sakuna kahit saan pa man siya, hindi lang para iligtas ang kanyang sarili kundi na rin ang iba.

READ:  PSTC, DOLE conduct veggie noodles production training

“Magagamit ko siya sa ibang tao, incase ng emergency, kasi minsan wala kang magagawa. Kasi pumasok ka sa pagsasanay na ito para makatulong sa iba. Ako yung taong tutulong sa kanya, hindi na kailangang tatawag ka pa ng iba,” ayon kay Manasan.

“Gusto ko rin siyang maibahagi sa iba, ‘yung knowledge, para marami pang matulong sa lugar natin,” dagdag nito.

Maliban sa pagiging rescue volunteers kapag may sakuna, ang mga miyembro rin ng RRVAI ay nagsasagawa ng community service sa iba’t ibang lugar sa Romblon.(PJF/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Source: PIA Feed