Tagalog news: Inspirasyon ng mga bayani, inalala sa ika-120 pagdiriwang ‘Araw ng Kalayaan’


 

Seremonya sa pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Dr. Jose Rizal sa pagdiriwang ng ika-120 ‘Araw ng Kalayaan’ sa lungsod ng Puerto Princesa. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hunyo 13 (PIA) — Kinilala ni Mayor Lucilo Bayron ng lungsod ng Puerto Princesa ang inspirasyon ng mga bayani ng lahi na siyang nagiging pamantayan ng pagiging isang mabuting mamamayan sa kasalukuyang henerasyon.

Ito ang tema ng mensahe ng opisyal sa kanyang pananalita sa idinaos na programa bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-120 ‘Araw ng Kalayaan’.

“Lubos nating pinasasalamatan ang ating mga bayani na siyang nag-iwan ng bakas kung bakit mayroon tayong tinatamasang kalayaan sa ngayon”, pahayag ni Bayron.

Hiniling din ni Bayron sa mga mamamayan ng lungsod ang pagkakaisa at suporta sa mga isinusulong na programa at proyekto ng pamahalaan na magbibigay ng solusyon sa mga kinakaharap na problem ang pamayanan.

Kaugnay nito, binigyang diin naman ni Lieutenant General Rozzano Briguez, commander ng Western Command ang kahalagahan ng naging sakripisyo ng mga bayani sa pagtupad ngayon ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa kanilang tungkulin.

“Utang na loob natin sa ating mga bayani sa kanilang naging sakripisyo at pakikipaglaban ang lahat ng kung ano ang nananatiling atin sa kasalukuyan kaya patuloy natin itong ipaglalaban at pahahalagahan,” ani Briguez.

READ:  LIST OF PASSERS: September 2018 Respiratory Therapist (RT) Board Exam Result

Samantala, sama-sama ang lahat ng sektor sa pangunguna ng mga opisyal ng pamahalaan sa pag-aalay ng bulaklak sa monumento nina Dr. Jose Rizal at ng bayaning Palaweño na si Dr. Higinio Mendoza na pinangunahan ng pamilya nito.

Ang tem ang pagdiriwang ngayong taon ay ‘KALAYAAN 2018: Pagbabagong Ipinaglaban, Alay sa Masaganang Kinabukasan”. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

 

Source: PIA Feed