Tagalog news: "Kahirapan, hindi hadlang sa pag-unlad ng buhay" — Mayor Festin


Pinapayuhan ni San Jose Mayor Romulo Festin, ang higit 200 SPES beneficiaries, na magsikap at mag-aral ng mabuti upang makaahon sa kahirapan. (Voltaire N. Dequina

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Agosto 10 (PIA)—Hindi hadlang ang kahirapan upang magtagumpay sa buhay at umunlad, ayon kay San Jose Mayor Romulo Festin sa ginanap na pamamahagi ng sahod sa mga benepisyaryo ng Special Program for the Employment of Students (SPES) kahapon sa munisipyo.

 “Mag-aral kayong mabuti at magsikap,” paalala ni Festin sa mga benepisyaryo. Naniniwala ang Punong Bayan na susi ang magandang edukasyon sa pagkakaroon ng maayos na trabaho. Ito aniya ang dahilan kung bakit kabilang ang edukasyon sa mga prayoridad na programa ng kanyang administrasyon. Patunay nito ang mga scholarship programs ng lokal na pamahalaan at suporta sa SPES, na programa ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ang SPES, ayon kay Rolando Ladao III, kawani ng DOLE Occidental Mindoro, ay pagbibigay ng trabaho sa mga mag-aaral na kabilang sa mahirap na pamilya, out-of-school youth at mga anak na ang magulang ay nawalan ng trabaho. 

“Gamitin sa pag-aaral ang inyong sahod,” payo naman ni Josefina Villamar, opisyal ng Public Employment Service Office (PESO) San Jose. Ayon kay Villamar, malaking bahagi ng batayan sa kanilang pagpili ng SPES beneficiaries ang kahirapan, “mas malaki ang chance na maging SPES ang mga poor but deserving students (mahihirap subalit karapat-dapat na mag-aaral).”

READ:  13 more villages in Isabela declared drug-free, cleared

Nilinaw din ng opisyal ng PESO na bagama’t sinusuportahan ng pamahalaang lokal ang SPES, may limitasyon na 20 – 78 araw lamang sa isang taon ang nasabing programa.

“Kadalasang kumukuha ang LGU San Jose ng SPES beneficiaries kapag summer at Christmas vacation,” saad pa ni Villamar. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

 

 

Source: PIA Feed