Tagalog News: Kampanya kontra-human trafficking, palalakasin sa Palawan

(Larawang kuha ni Leila B. Dagot/PIA-Palawan)

Pagpupulong ang Palawan Provincial Inter-Agency Council Against Trafficking and Violence Against Women and their Children (PIACAT-VAWC). (LBD/PIAMIMAROPA/PALAWAN)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 6 (PIA) — Bubuo ng komite ang Provincial Inter-Agency Council Against Trafficking (PIACAT) na tututok sa pagpapakalat ng tamang impormasyon at kaalaman sa mga komunidad sa Palawan upang labanan ang pangangalakal ng tao.

Sa pamamagitan ng isang resolusyon, ipinanukala ng konseho ang pagkakaroon ng komite sa impormasyon at edukasyon para sa magiging kampanya ukol sa human trafficking lalo na sa mga malalayong pamayanan na kadalasa’y nagiging taguan o daanan ng mga biktima.

Ang komite ay binubuo ng iba’t ibang ahensiya tulad ng Philippine Information Agency (PIA), Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), BPTF, Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Labor and Employment (DOLE), Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), maging ang IACAT for Palawan  na pinangangasiwaan ng Department of Justice (DOJ). Ang Provincial Information Office (PIO) ang siyang tatayong tagapangulo ng nasabing komite.

Sa ulat ni Milma Sangkula, project officer ng Bantay Palawan Task Force (BPTF), may ilang komunidad pa rin partikular sa timog ng lalawigan ang nagsisilbing daanan ng mga “trafficking in persons (TIP)” bago i-byahe sa pamamagitan ng “backdoor” patungong Malaysia.

“Kailangan pa rin talaga ng awareness ng komunidad natin lalo na sa south, na pag may nakikita silang kahina-hinalang mga tao o hindi familiar sa kanila, i-report agad sa atin para maaksyunan,” ani Sangkula.

Samantala, iminungkahi naman ni Police Colonel Gabriel Lopez, kinatawan ng Peace and Order Program ng pamahalaang panlalawigan na siyang humalili kay Governor Jose Chaves Alvarez upang mamuno sa pagpupulong ng konseho, na dapat atasan ng DILG ang mga Municipal IACAT na maging aktibo upang makatuwang sa gawain.

Sakaling mapagtibay ang panukalang resolusyon, agad magpupulong ang binuong komite upang maplano ang gagawing kampanya.

Sa press release ng Commission on Filipinos Overseas (CFO), kasama ang DOJ-IACAT, sinimula na nilang magsagawa ng isang linggong ‘anti-trafficking drive’ sa nagsisilbing ‘backdoor exits’ sa lalawigan partikular sa mga bayan ng Brooke’s Point, Bataraza, at Balabac. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Source: PIA Feed

READ:  SSS Butuan City intensifies advocacy campaign