Tagalog news: Krimen sa OccMin noong Enero-Mayo 2018, mas mababa kumpara sa 2017


Higit na mababa ngayong taon ang crime volume sa lalawigan mula Enero hanggang Mayo, kumpara sa kaparehong panahon noong 2017, ayon kay PSInsp Jonald Bundang ng Police Provincial Office.  (Voltaire N. Dequina)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Hunyo 13 (PIA)—Mas mababa ang mga naitalang krimen sa lalawigan ngayong taon kumpara noong 2017, ayon sa ulat ng kapulisan sa ginanap na pulong ng Provincial Advisory Council (PAC) sa bayang ito kamakailan.

Ayon kay PSInsp Jonald Bundang ng Police Provincial Office (PPO), nakapagtala sila ng 287 kasong kriminal mula Enero Hanggang Mayo ngayong taon, mula sa kabuuang 323 kaso sa kaparehong panahon noong 2017, o nasa 11 porsyento ang pagbaba ng crime rate.

Ipinaliwanag ni Bundang na ang mga kasong ito ay may dalawang uri: non-index at index crimes. Ang huli (index crimes) aniya, ay paglabag o paggawa ng krimen laban sa isang indibidwal, gaya ng pagpatay, pagnanakaw, at pananakit. Ang mga non-index crime naman ay paglabag sa mga ordinansa at mga espesyal na batas gaya ng illegal logging (PD 705), VAWC o Violence Against Women and their Children (RA 9262), pagsusugal (RA 9287) at iba pa. 

Batay sa ulat ng opisyal, pinakamataas na bilang sa mga index crime ngayong taon ang 28 kaso ng physical injury, sumunod ang murder o pagpatay na may 19 na kaso, theft na may 13 kaso, tig-9 na kaso ang robbery at rape, habang 6 naman ang homicide at apat ang carnapping. Dagdag pa ni Bundang, San Jose ang may pinakamataas na insidente ng krimen na may kabuuang bilang na 133 samantalang Looc ang pinakamababa, na nagtala lamang ng isang krimen sa loob ng limang buwan. 

READ:  QC named best in disaster management in NCR for three consecutive years now

Ayon pa kay Bundang, ang pagbaba ng mga insidente ng krimen ngayong taon ay bunga ng matagumpay na pagpapatupad ng kanilang mga programa, gayundin ang ibang mga gawain ng ahensya tulad ng pagpapalaganap ng mga impormasyon sa kumunidad, pagbuo ng mga organisasyon na makakatuwang ng kapulisan at pagpapaigting ng kanilang mga operasyon. (MBR/VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Source: PIA Feed