Tagalog news: Liga ng mga Barangay-Puerto Princesa, may bago nang pangulo


Kinakapanayam ng lokal na mamamahayag ang bagong halal na pangulo ng Liga ng mga Barangay- Puerto Princesa Chapter na si Punong Barangay Francisco Gabuco ng San Pedro matapos ang deklarasyon na pinangunahan ng Department of Interior and Local Government (DILG).

(Leila Dagot/PIAMIMAROPA-Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 3 (PIA) — Inihalal bilang pangulo ng Liga ng mga Barangay sa lungsod ng Puerto Princesa si Punong Barangay Fracisco Gabuco ng San Pedro.

Nanalo ito nang makakuha ng boto na 57 kumpara sa katunggali na si Punong Barangay Gerry Abad ng Mandaragat na nakakuha lamang ng walong boto.

Sakaling makumpirma at kilalanin na ng National Liga ng mga Barangay ang pagkakahalal kay Gabuco, uupo na ang opisyal bilang ex-officio member ng Sangguniang Panlungsod kapalit ng kasalukuyang pangulo na si Patrick Hagedorn.

Sa naging panayam ng mga mamamahayag kay Gabuco, sinabi niyang hangad niya ang pagkakaisa sa kanilang samahan.

Aniya, lahat ng magigig desisyon ng kanilang organisasyon ay dadaan sa bawat miyembro nito.

READ:  Tagalog news: Bagong minimum wage sa lalawigan ng Romblon, inilabas ng DOLE

Tiniyak din ni Gabuco na maibabahagi ng husto ang chairmanship at pagiging miyembro sa loob ng liga.

“Idi-distribute natin ang chairmanship at membership ng mga komite sa bawat miyembro, titiyakin ko na lahat may magiging papel at magta-trabaho, gusto kong ma-unite ang bumubuo ng Liga ng mga Barangay sa Puerto Princesa,” tinuran ng bagong pangulo.

Samantala, nagpahayag naman ng kaniyang buong suporta sa magiging pamamahala ni Gabuco ang nakalaban nitong si Abad.

Kaugnay nito, nahalal naman bilang bise presidente ng liga si Punong Barangay Andres Baaco ng Masigla.

Uupong mga Board of Directors sina Punong Barangay Evangeline Aquino, Margil Avanceña Sr., Elena Baradas, Yolanda Evangelista, Estrella Salvador, Absalon Umpad at Jane Villarin. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Source: PIA Feed