Tagalog news: Lindol sa Occidental Mindoro, naramdaman hanggang Bulacan


LUNGSOD QUEZON, Agosto 31 (PIA) — Lumindol nang pasado ika-10 ngayong gabi sa Occidental Mindoro.

Sa ulat ng DOST-Philippine Institute of Volcanology and Seismology, may lakas na magnitude na 5.2 at may lalim na 112 kilometro ang lindol sa dako ng Abra De Ilog.

Sa pagtaya ng DOST-PhilVolcs, ang lakas ng lindol sa Abra De Ilog, Occidental Mindoro, Calatagan, Batangas at Puerto Galera, Oriental Mindoro ay umabot sa Intensity IV.

Intensity II naman ang naramdaman sa ilang bahagi ng lungsod ng Pasig at lungsod Quezon.

Batay naman sa instrumentong panukat ng intensity ng lindol, ang Calatagan, Batangas at Puerto Galera, Oriental Mindoro ay nakaranas ng Intensity IV.

Intensity II ang naman ang naranasan sa lungsod ng Calapan, Bacoor, Cavite, lungsod ng San Juan, lungsod Quezon, lungsod ng Pasig, San Ildefonso at Malolos sa Bulacan, San Jose, Occidental Mindoro at lungsod ng Olongapo ayon din sa instrumento.

Intensity I naman ang lindol na nasukat sa instrumento sa Gumaca, Quezon, lungsod ng Marikina, iba pang bahagi ng lungsod ng San Juan at lungsod Quezon, at Iba pang bahagi ng San Ildelfonso at Malolos sa Bulacan at Guagua, Pampanga.

READ:  Tagalog News: 40 MSMEs sa Bulacan, lalahok sa Likha ng Central Luzon 2018

Iniulat naman ng Sta. Cruz, Occidental Mindoro Municipal Disaster Risk Reduction sa kanilang Facebook page na may lakas na intensity III at tumagal ng 10 segundo ang naramdamang lindol sa kanilang lugar.

Walang inaasahan ang DOST-Phivolcs na maidudulot na pinsala ang lindol na may lakas na Magnitude 5.2 subalit posible umanong magkaroon pa ng mga aftershock ito. (LP/PhiVolcs) 

Source: PIA Feed