Tagalog News: Lorna Silverio, Kongresista muli ng Ikatlong Distrito ng Bulacan


Iprinoklama na ng Provincial Board of Canvassers si nakaupong Kinatawan Lorna C. Silverio (pangalawa mula kanan) ng Ikatlong Distrito ng Bulacan bilang nanalo para kanyang ikalawang termino. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS, Mayo 17 (PIA) —  Muling magsisilbi bilang kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Bulacan si Lorna C. Silverio.

Sa botong 135,830, lumamang ito sa dating Gobernador na dati ring kinatawan na si Joselito R. Mendoza na nakakuha ng botong 103,505.

Unang nagkalaban ang dalawa noong 2016. 

Panglimang termino na ito ni Kinatawan Silverio dahil una siyang naging kinatawan ng nasabing distrito noong 2001 hanggang 2010, na katumbas ng tatlong termino.

Matapos ang kanyang unang tatlong termino noong 2010, tumakbo naman si Kinatawan Silverio bilang punong bayan ng San Rafael. Muling tumakbo sa nasabing posisyon noong 2013 ngunit natalo kay ngayo’y Mayor Cipriano Violago Jr.

Muling kumandidato sa pagka kinatawan noong 2016 at nanalo hanggang sa muling nahalal nitong 2019. 

Ayon kay Provincial Election Supervisor Mona Aldana Campos, si Silverio ang kauna-unahang naiproklamang nanalong kongresista sa lalawigan dahil mas naunang maitransmit ang mga boto nito mula sa mga bayan ng ikatlong distrito. 

READ:  Cebuano News: Lumba sa dagan sa Alicia, morehistro pa taman sa Sabado

Ipinahayag naman ni Silverio na ang kanyang muling pagkakahalal ay magtitiyak na magtutuluy-tuloy ang itinataguyod na Lingap at Serbisyo sa mga mamamayan ng Ikatlong distrito ng Bulacan.

Kinabibilangan ito ng mga bayan ng Donya Remedios Trinidad, Norzagaray, San Ildefonso, San Miguel, San Rafael at Angat.  Sa kanyang panunungkulan, sinuportahan niya ang pagpapapasa sa package 1 ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o ang Republic Act 10963.

Nagresulta ito sa mas mataas na koleksiyon ng buwis na karamihan ay inilaan sa mga malalaking proyektong imprastraktura ng administrasyong Duterte sa ilalim ng Build-Build-Build.

Kasama rin siyang nagtaguyod na pahabain sa 10 taon ang validity ng pasaporte ng Republika ng Pilipinas sa pagkakapasa ng New Philippine Passport Act o ang Republic 10928. 

Ngayon sa kanyang ikalimang termino, tututukan ani Silverio na maipasa ang panukalang batas na magbibigay ng pondo sa pagtatayo ng sangay ng Bulacan State University sa bayan ng San Rafael. (CLJD/SFV-PIA 3)

Source: PIA Feed