Tagalog News: Mahigit 2,000 puno naitanim kaugnay ng Arbor Day sa Brooke’s Point


Mga nakiisa sa isinagawang tree planting activity sa bayan ng Brooke’s Point kaugnay ng pagdiriwang ng Arbor Day kamakailan. (Larawan mula kay Romeo Tan ng LGU-Brooke’s Pt.)
Mga nakiisa sa isinagawang tree planting activity sa bayan ng Brooke’s Point kaugnay ng pagdiriwang ng Arbor Day kamakailan. (Larawan mula kay Romeo Tan ng LGU-Brooke’s Pt.)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Setyembre 28 (PIA) — Nakapagtanim ng mahigit sa 2,000 iba’t-ibang punong kahoy at prutas ang mga residente ng Bayan ng Brooke’s Point sa isinagawang tree planting activity sa pagdiriwang ng Arbor Day kamakailan.

Pinangunahan mismo ni Mayor Maryjean D. Feliciano ang pagtatanim na isinagawa sa watershed area na sakop ng Ecological Park sa Bgy. Tubtub ng nasabing bayan.

Ilan sa mga uri o klase ng punong kahoy at prutas na naitanim ay ang mahogany, kamansi, acacia, santol, kaymito, cacao, rambutan, marang at iba pa.

Nagkaroon rin ng Parlor Games, Solid Waste Segragation Contest at Quiz pagkatapos magtanim ang mga partisipante.

Ayon kay Mayor Feliciano, kailangan na mapangalagan ang mga watershed shed upang may mapagkukunan ng malinis na tubig sa hinaharap, lalo’t ang bayan ng Brooke’s Point ang napiling pagtayuan ng Kapitolyo ng magiging Palawan Del Sur Province.

Inaasahan din aniyang lolobo ang populasyon ng nasabing bayan kapag natuloy na ang paghahati ng Palawan sa tatlong probinsiya at maging Capital ito kung kaya’t ngayon pa lamang at dapat nang mapangalagaan ang mga lugar na pinagkukunan ng malinis na tubig at ang patuloy na pangangalaga ng kapaligiran.

READ:  Cagayan set to receive outstanding achiever in agri extension award

Nakiisa naman sa pagtatanim ang iba’t-ibang grupo tulad ng mga empleyado ng ospital, mga mag-aaral sa high school at kolehiyo, mga miyembro ng youth organization, mga guro, mga empleyado ng munisipyo at iba pang non-government at civil society organization. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Source: PIA Feed