Tagalog News: Mahigit P32-M na illegally-cut forest products ang naitala ng DENR sa Caraga Region

LUNGSOD NG BUTUAN, Hunyo 13 (PIA) – Nasa mahigit P32-M na halaga ng confiscated illegal forest products ang naitala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Caraga mula Abril 14-15 at Abril 18-20, 2018.

Kasabay sa selebrasyon ng World Environment Day, ibinahagi rin ni DENR-Caraga regional director Atty. Felix Alicer ang kanilang mga naging aksyon o tugon sa problema sa illegal logging.

Base sa datus ng DENR, may 12 wood processing plants ang nadismantle o napadlock ng ahensya dahil sa hindi pagsunod sa alituntunin ng pagtotroso. Napag-alaman din na may 53 insidente ng pagkonspiska ng mga illegal logs ang naisagawa ng ahensya.

Nasa mahigit anim na libong cubic meters ng illegal logs ang nakompiska at mahigit dalawang-daang libong board feet ng lumber/flitches at sticks ang nasabat ng ahensya. Umabot rin sa 117 paraphernalia/implements na ginagamit sa illegal logging ang nakompiska.

Dagdag pa ni Dir. Alicer, ang mga CENROs at PENROs ng rehiyon, kasama ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ay patuloy na nagsasagawa ng monitoring and assessment sa mga lugar na tapat na pinapatupad ang mga batas pangkalikasan at ordinansa bilang suporta sa solid waste management.

READ:  ARMM students catching up with other regions in NAT scores

Ayon naman kay Engr. Wilson Trajeco, ang regional director ng Environmental Management Bureau (EMB) Caraga, may ilan-ilan na rin silang na-issuehan ng notice of violation sa ibat-ibang establishments ng rehiyon. Dumadaan umano ito sa due process at binibigyan ng 60 days para magcomply at kapag hindi pa rin inaksyunan, maaring mahaharap na sa kaso ang akusado.

Nanawagan din si Dir. Trajeco sa mga residente na naninirahan malapit sa mga tourism establishments na maging responsible sa kanilang sanitation at nang maiwasang makasira sa kalikasan, na magdudulot din ng masamang epekto sa turismo. (JPG/PIA-Caraga)

Source: PIA Feed