Tagalog News: Mapayapang halalan, layon ng Unity Walk at Peace Covenant Signing


Ang gusali ng Philippine National Police (PNP) Occidental Mindoro Provincial  Office na matatagpuan sa San Jose, Occidental Mindoro (Voltaire N. Dequina, PIA)
 

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Enero 12 (PIA)– Sa pangunguna ng Commission on Elections (COMELEC) at Police Provincial Office (PPO), isang Unity Walk at Inter-Faith Prayer Rally ang idaraos sa Enero 13, sa Camp Ebersole sa bayang ito.

Ayon kay PS Supt Joseph Bayan, Philippine National Police (PNP) Provincial Director, kasabay ding isasagawa ang Peace Covenant Signing na pawang naglalayon na magkaroon ng malinis at mapayapang eleksyon sa darating na Mayo 2019.

Sinabi ni Bayan na inanyayahan nilang dumalo sa aktibidad ang religious sector, media, mga kandidato at kanilang tagasuporta, at iba pang election stakeholders.

“Magsasagawa din sa Linggo ng kaparehong aktibidad ang iba’t ibang munisipyo sa lalawigan,” pahayag ng Provincial Director. Aniya, sa ganitong paraan ay maipapakita sa mga mamamayan ang pagkakaisa ng lahat, lalo na ng mga kandidato at kanilang taga-suporta, para matiyak ang maayos at kapani-paniwalang halalan.

Base sa Comelec Resolution 10429, Enero 13 ang opisyal na simula ng election period at magtatapos sa Hunyo 12. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

READ:  Tagalog News: Tarlac City ipinagdiwang ang National Correctional Consciousness Week

 

Source: PIA Feed