Tagalog news: Marawi-PNP, nakaantabay sa pinal na listahan ng naghain ng COC


LUNGSOD NG MARAWI, Lanao del Sur, Agosto 31 (PIA) — Inaantay na lang ngayon ng Marawi City Philippine National Police (PNP) ang kompletong listahan ng mga naghain ng certificate of candidacy (COC) sa Commission on Elections (COMELEC) para sa gagawing special barangay elections sa nasabing lungsod sa darating na September 22.

Ayon kay Marawi City PNP chief Supt. Jamal Christopher Adiong, sa nasabing listahan nila pagbabasehan ang kanilang security plan upang malaman kung sino sa mga kakandidato ang sangkot sa “rido” o away pamilya at lalong-lalo na sa ilegal na droga.

Sakali aniyang makakakita sila ng drug personality sa nasabing listahan, agad nilang ipepetisyon sa Commission on Elections (COMELEC) at Department of the Interior and Local Government o DILG na ipawalang-bisa ang inihain nitong COC.

Naniniwala din si Adiong na patuloy na magiging mapayapa ang election period sa lungsod dahil sa umiiral na martial law sa Mindanao.

Nakaantabay din umano ang Lanao del Sur Police Provincial Office at ang militar sa Marawi city sakaling magkaroon ng anumang uri ng banta sa seguridad.

READ:  Tagalog news: Labanan sa Paye, inalala sa buong Marinduque

Nabatid na mula nang magsimula ang election period sa Marawi city ay wala pang nahuhuling lumalabag sa election gunban ang pulisya.

Tiniyak din ng opisyal na nakahanda ang Marawi city PNP na magsilbing Board of Election Inspectors at Board of Election Tellers sa darating na special barangay elections sakaling tumangging magsilbi ang ilang mga guro. (WLB/PIA ICCC)

Source: PIA Feed